Ibinahagi ni Lizabeth "Baby" Yumping-Enriquez ang huling mga sandali ng kaniyang kabiyak na si Mike Enriquez, at ano ang mga karamdaman nito na sanhi ng pagpanaw ng batikang brodkaster.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," nakapanayam ni Jessica si Baby habang nakaburol pa si Mike.
Ayon kay Baby nang sandaling iyon, hindi pa lubos na pumapasok sa isip niya na wala na si Mike.
"Kasi marami pang tao pero I'm sure all of these... tapos ako na lang mag-isa sa bahay. I don't know, I really don't know," saad niya.
Kuwento ni Baby, matapang na nakipaglaban sa kaniyang mga karamdaman si Mike. Ang nagpapagaang na lamang umano sa kaniyang loob ay wala nang sakit ngayon na nararamdaman ang kaniyang asawa.
"He's been through a lot," saad niya. "They had to do dialysis and dito nila pinapadaan [sa leeg].
Disyembre 2021, nang sumailalim sa kidney transplant si Mike. Sumailalim na rin noon si Mike sa operasyon para alisin ang bara sa ugat sa kaniyang puso.
"'Yung new kidney niya was doing well. No rejection at all. Kaya nga sabi ko sayang, you know," ani Baby.
Gayunman, nagkaroon umano ng pneumonia si Mike.
"Because nga 'yun palang kidney transplant, they give you anti-rejection medicine. And that anti-rejection medicine lowers your immune system. So, kaya nahirapan ang mga doctors to arrest the infection because of that," paliwanag niya.
Pumanaw umano si Mike habang nagda-dialysis.
"His BP dropped and suddenly his heartbeat stopped," sabi ni Baby.
Papunta umano siya sa ospital nang makatanggap siya ng text mula sa caregiver: "Ma'am, Sir Mike is being resuscitated already.'"
"Ha? Sabi ko why. Hindi ko in-expect 'yun kasi routine na magda-dialysis siya e pang ilang beses na niya 'yun," patuloy ni Baby.
Makaraang ma-revived ng tatlong beses ng duktor, sinabi umano ni Baby na, "'Doc, tama na, enough na.'"
"After that, nu'ng after ng third resuscitation, I was in the ICU e. Nandoon lang ako sa labas kasi I couldn't bear to see him with so many tubes connected to him. Sabi ko I'll go out na. And then I broke down na," sabi pa niya.
Ayon kay Baby, sinasabihan niya noon si Mike na lumaban at huwag susuko. Pero nang makita na ang kalagayan ng kaniyang mister nang sandaling iyon, binulungan niya na ito na magpahinga na.
"Sige, Mike. I'll be fine. I'll be fine. I know God will not forsake me. Kung pagod ka na, you rest na. And I love you," pagbabalik-tanaw ni Baby.
Makaraang ng ilang minuto, sinabihan umano ng duktor si Baby na nag-flat line na ang makina na nakakabit kay Mike.
Nakilala ni Baby si Mike noong disc Jockey pa lang ang huli sa Manila Broadcasting Company, at kilala sa tawag na "Big Mike."
BALIKAN: Ang love story ng isang DJ at kaniyang avid listener
Limang taon na magkarelasyon ang dalawa bago nagpakasal.
Sinabi ni Jessica na madalas ikuwento ni Mike sa kaniya si Baby.
"Naku si Tita Babes, ganyan. Si Tita Babes... I'm sorry Tita kung mali ako pero I get the idea na alagang-alaga ka ni Booma," sabi ni Jessica kay Baby patungkol kay Mike.
Sumang-ayon naman si Baby . "Oh yeah, that I can say yes. Spoiled nga ako sa kanya e."
"Kaya ngayon hirap na hirap ako kasi nung nandiyan pa siya, lahat siya ang nag-aasikaso," ani Baby. "Maski na sa pagbayad ng bills, pag-prepare ng mga cards, ng house repair. Ngayon nabagsak na lahat sa akin."
Hindi nagkaroon ng anak sina Mike at Baby, pero mayroon silang dalawang alagang aso na si Mike mismo ang nagpangalan.
Ang isa, brown poodle na si "Booma," na nickname din ni Mike. Habang ang isa pa ay "Miki," na palayaw ni Mike noong bata pa.
Sa huling araw ng burol ni Mike, ibinahagi ni Baby ang bilin sa kaniya ng asawa na "huwag siyang iiyak."
"'Yun lang, 'yun lang ang bilin niya. Huwag daw akong iiyak. Sabi ko, I'm sorry but I cannot promise you that. 'Yun lang ang bilin niya sa akin," saad ni Baby.
Pumanaw si Mike noong nakaraang Martes, Agosto 28, sa 71. -- FRJ, GMA Integrated News