Hindi maiwasan ng ilang netizens na maintriga sa beshie at vlogger na si Rene o "Miss Popcorn" nang ipakilala niya ang kaniyang jowa na si Roden. Pero real nga ba na in love sila sa isa't isa o forda content lang ang lahat? Alamin.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ni Rene na mula sa Murcia, Negros Occidental, na lumuwas siya noon sa Maynila para kumayod nang matulungan niya ang kaniyang pamilya.

Pero habang nasa Maynila, tatlong beses tumibok ang puso ni Rene sa tatlong lalaki, at tatlong beses ding nadurog.

Kaya naman naisip niya noon na wala na sigurong lalaki na seseryosa sa kaniya. Hanggang sa natututo rin siyang magmahal sa isang babae na tumagal ng isang taon ang kanilang relasyon.

Nagbunga ang kanilang pagmamahalan ng isang anak na babae na dalawang-taong-gulang na ngayon. Iyon nga lang, nakakilala raw ng ibang lalaki ang ina ng kaniyang anak at iniwan siya.

Pero hindi pumayag si Rene na mapunta sa babae ang kanilang anak. At sa tulong umano ng social welfare department, nagkaroon sila ng kasunduan ng babae na maiwan sa kaniyang pangangalaga ang bata.

Para gamutin ang sugatang puso, umuwi ng Murcia si Rene at nilibang ang sarili sa pagba-vlog at nagpakilala bilang si "Miss Popcorn."

Mga pampa-good vibes ang content ni Rene, at kabilang pala sa mga napapasaya niya si Roden, na sugatan noon ang puso dahil kaka-break lang sa dating karelasyon na beshie rin.

Ayon kay Roden, mula noon ay pinangarap na niyang makilala nang personal si Rene. Bagay na nangyari naman nang magkasama sila sa isang event noong Mayo.

Sabi ni Roden, lumakas ang tibok ng puso niya nang makaharap at magkakilala na sila ni Rene. Kaya naman matapos ang una nilang pagkikita, kaagad na nagmensahe si Roden kay Rene at walang patumpik-tumpik na inalok niya ito na maging jowa.

Si Rene, hindi naman nagpa-hard-to-get pa at pumayag na maging mag-jowa sila ni Roden.

Ang sumunod na eksena, bumiyahe ng apat na oras si Roden para puntahan sa bahay si Rene. Hanggang sa magsama na ang dalawa.

Pag-amin ni Rene, nasasaktan siya sa mga hindi magagandang komento ng netizens tungkol sa kanilang relasyon ni Roden.

"Bakit ikaw ang pinatulan ang pangit pangit mo," ani Rene.

Si Roden naman, sinasabihan na pera lang ang habol niya kay Rene.

"Naawa nga ako kay Roden, pagdating kasi sa social media napaka-harsh talaga," saad ni Rene.

Pero ayon sa dalawa, for real at hindi palabas lang o forda content ang ipinapakita nila sa social media.

"Totoo pong pagmamahal," giit ni Roden.

Pero ano kaya ang masasabi ng kanilang pamilya sa kanilang relasyon? At anong pagsubok ang ginawa ni Miss Popcorn para malaman kung talaga forda love talaga siya ni Roden? Tunghayan ang buong kuwento ng kanilang love story sa video. --FRJ, GMA Integrated News