Nagdadalamhati rin ang publiko sa pagpanaw ng veteran Kapuso broadcaster na si Mike Enriquez.
Ang "star"ni Mike, 71-anyos, sa German Moreno Walk of Fame sa Eastwood sa Quezon City, nilagyan ng kaniyang larawan at inalayan ng mga bulaklak at kandila.
Binibigyan ng "star" sa naturang pasyalan sa Eastwood ang mga celebrity na may malaking ambag sa industriya na kanilang kinabibilangan.
Pumanaw si Mike nitong Martes, Agosto 29, na dati nang may iniindang mga karamdaman.
"For the decades of [hard work] delivering information to millions of [Filipinos] here and abroad, your star will continue to shine as much as your passion, enthusiasm, and honesty," ayon sa post ng Eastwood City.
Hindi napigilan ng mga co-anchor ni Mike sa GMA News "24 Oras" na sina Mel Tiangco at Vicky Morales na maging emosyonal nang ihatid nila sa publiko ang malungkot na balita sa pagpanaw ng kanilang kasamahan.
Bukod sa pagiging news anchor ng "24 Oras," naging host din siya ng longest-running public affairs program na Imbestigador. Bukod sa pamumuno niya sa radio station na Super Radyo dzBB.
Nag-medical leave noong 2018 at 2021 si Mike para sumailalim sa heart bypass at kidney transplant. --FRJ, GMA Integrated News