Laking gulat ng isang mangingisda sa Cavite nang may makita siyang maliit na bilog at kulay dilaw na bagay sa nililinis niyang talaba. Hinala niya, perlas ito na may katumbas na malaking halaga. Talaga nga kaya?
Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing hanapbuhay ni Kenneth Catamora ang pagbebenta ng laman ng talaba.
At habang naglilinis siya ng mga talaba, nakita niya sa isang talaba ang isang kulay dilaw na bilog na bagay sa loob.
Hinala ni Kenneth, perlas ang naturang bilog na bagay na posibleng P20,000 ang halaga na malaking tulong sa kaniyang pamilya.
Pero maaari nga bang magkaroon ng perlas ang talaba?
Ayon kay Kuya Kim Atienza, puwedeng pasukan ng foreign materials ang loob ng talaba na kalaunan ay nagiging perlas.
Ang mga naturang foreign materials ay katulad ng buhangin, parasite o bato, na puwedeng makapasok sa shell.
Kapag may nakapasok na foreign materials sa loob ng shell, maglalabas umano ang oyster sa loob nito ng "protective coating" na tinatawag na nacre, na siyang tumitigas at kalaunan ay nagiging perlas.
Ayon pa kay Kuya Kim, ang oyster ay galing sa saltwater, at mussels naman kapag mula sa freshwater.
Itinuturing pambihira umano o rare ang mga nakikitang perlas sa loob ng wild oyster dahil isang perlas lang ang nakikita sa loob nito sa bawat 10,000 na oyster.
Samantala, 1 percent lang ng mga perlas na ginagamit sa mga alahas ang naturally occurring, habang karamihan naman ay cultured pear na.
Ipinasuri naman sa eksperto ang pinaniniwalaang perlas na nakuha ni Kenneth sa talaba.
Ayon sa jeweler na si Marge, idinaan ang naturang perlas sa apat na pagsusuri na kinabibilangan ng tooth test, fire test, rub test at nictric acid test.
Sa fire test, aapuyan ang perlas at titingnan kung hindi magbabago ang hitsura nito.
Sa rub test, kikiskisin ang perlas para alamin kung magkakaroon ito ng pulbos na indikasyon ng plastik.
Kasabay nito ang paglalagay ng nitric acid upang alamin kung bubula.
Ang hatol sa perlas ni Kenneth, hindi ito nakapasa sa mga ginawang pagsusuri.
Sinabi naman ni Gregg Yan, director ng Best Alternatives, na maaaring hindi mataas na uri ng perlas ang nakuha ni Kenneth.
Gayunpaman, sinabi ng asawa ni Kenneth na si Kim, na ang mahalaga ay nalaman nila ang totoo tungkol sa nakita nilang perlas. --FRJ, GMA Integrated News