Isang babae ang hirap na itikom ang kaniyang bibig habang natutulog, kaya nilalagyan niya ito ng tape para maiwasan ang “mouth breathing.” Senyales nga ba ito ng isang health condition?
Sa kuwentong Dapat Alam Mo! ni Nelson Canlas, sinabing hirap si Eunice Perales na maitikom ang kaniyang bibig lalo kung siya ay natutulog. Mapapansin din ang kaniyang mabigat na paghinga, na senyales ng mouth breathing.
“Kahit hindi naman ako pagod, malakas ang hilik ko. Tapos ‘pag nagigising ako grabe ‘yung laway sa unan ko,” sabi ni Perales.
Bukod dito, lagi rin siyang may sore throat at tonsilitis, at tuyo ang kaniyang bibig.
Kaya naman tinatapalan ni Perales ng tape o mouth strips ang kaniyang bibig para masanay siyang huminga sa ilong habang natutulog.
Bata pa lang daw ay hikain na si Perales, at na-diagnosed siya na may allergic rhinitis noong kolehiyo.
Bukod dito, inaatake rin si Perales ng hika dahil sa mga balahibo ng mga alagang aso.
Ayon kay Dr. Laurence Michael Vera Cruz, ENT/Head and Neck Surgeon, may mga kondisyon na nagdudulot ng mouth breathing tulad ng allergic rhinitis, nasal polyps, septal deviation at mga bukol sa ilong.
“Ang ilong natin may mga istruktura na hindi nakikita sa bibig natin. It also filters out dust, allergens and all other bacteria and viruses. Siyempre sa bibig wala po tayong pang-filter so ‘pag nalalanghap natin, diretsong nalalanghap ‘yung allergens. ‘Yung mga alikabok pati na rin ‘yung mga viruses at mga bacteria,” sabi ni Cruz.
Bukod dito, maaari ding magkaroon ng bad breath at drowsiness o pagiging antukin ang isang taong dumedepende sa mouth breathing.
“Mouth breathing is actually not a diagnosis, it’s actually just a symptom or a behavior of a patient,” paliwanag ni Cruz.
Ayon pa kay Cruz, kaunti pa lamang ang mga pagsusuri tungkol sa mouth strips kung nakatutulong sa mga problemang gaya kay Perales.
Pagdating naman sa allergic rhinitis, sinabi ni Cruz na marami nang treatment para dito, at maaari itong malunasan sa pamamagitan ng medication at lifestyle changes.
Kaya payo ng duktor, magpasuri sa espesyalista para malaman ang tunay nilang kondisyon at mabigyan ang pasyente ng kaukulang lunas.-- FRJ, GMA Integrated News