Ilang kalalakihan na may edad na ang tumugon sa panawagan ng lokal na pamahalaan ng Lapu-lapu City sa Cebu na magpatuli na. Kabilang sa mga kumasa, ang isang senior citizen na lolo.
Sa ulat ni Lou-Anne Mae Rondina sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Lunes, sinabing nag-viral ang 73-anyos na lolo na kabilang sa mga tumugon sa panawagan ni Lapu-Lapu City Mayor Junard “Ahong” Chan.
Matapos matuli noong Biyernes, balik na sa kaniyang gawain si lolo, na itinago sa pangalang "Mado," na nagsabing wala naman siyang naramdamang sakit nang tuliin.
Kuwento ni Lolo Mado, edad 16 siya nang nagplano sila noon ng kaniyang kaibigan na magpatuli. Pero dahil sa takot sa tradisyunal na paraan noon ang tuli, umatras silang magkaibigan.
May kapalit na P10,000 na tulong ang pagtugon sa panawagan ni Mayor Chan sa mga may edad 20 pataas na kalalakihan na sasalang sa kanilang programa na libreng tuli.
Ikinatuwa naman ni Lolo Mado na dinoble ng lokal na pamahalaan ang halagang ibinigay sa kaniya.
Mayroon pitong anak si Lolo Mado, 53 apo, at 25 apo sa tuhod.-- FRJ, GMA Integrated News