Naging bisita sa studio ng "Eat Bulaga" at tumanggap ng mga regalo ang kambal na sina Jayro at Jaymar, na naunang nagpaluha sa mga host at dabarkads dahil sa positibo nilang pananaw sa buhay kahit mayroon silang kapansanan.
Sa ika-44th year anniversary ng programa nitong Sabado, kasama ng kambal ang iba pa nilang mga kapatid at ang kanilang mga magulang.
READ: 'Eat Bulaga' hosts, hanga at naiyak sa katatagan ng kambal na may kapansanan
Ayon sa mga host na sina Paolo Contis at Isko Moreno, hiniling ng pamilya na mula sa Valenzuela City na makapanood sila ng live sa studio.
Matatandaan na unang nakilala ni Yorme Isko ang kambal sa kanilang segment na "G sa Gedli," habang nagbabantay ng maliit nilang tindahan.
Iika-ika si Jayro dahil sa kapansanan sa paa bagaman nakakatatayo at nakalalakad. Ang kambal niyang si Jaymar, hindi nakalalakad kaya niregaluhan ng wheelchair para hindi na kargahin ng kanilang ama kapag pumasok sa paaralan.
Sa kabila ng kanilang kapansanan, patuloy na nag-aaral ang magkapatid. Grade 7 na si Jayro habang, grade 4 naman si Jaymar.
Nang araw na iyon, hiningan ni Isko ng mensahe ang kambal para sa mga nanonood at kabataan ang may kinakaharap na pagsubok sa buhay at naniniwala siyang nakapagbibigay ng inspirasyon ang kambal.
"Sana po pagbutihan nila kasi maraming challenges [sa buhay]," sabi ni Jayro.
Dugtong naman ni Jaymar, "Walang haharang sa inyo, pagbutihin niyo lang. Walang makakapigil sa inyo. At baka bigyan ka pa ng biyaya ng Diyos para makatulong sa inyong pangarap."
Sa pagbisita nina Jaymar at Jayro sa studio, sinorpresa sila at binigyan ng Eat Bulaga ng mga gamit sa eskuwela.
Bukod pa sa tig-P5,000 o kabuuang P10,000 na monthly allowance ng kambal hanggang sa makatapos sila ng high school.
May natanggap din ng P100,000 na regalo ang kambal mula sa sponsor ng show.
Maging ang mga magulang ng kambal, nakatanggap din ng regalong P100,000 na worth ng mga produkto na nais nilang ibenta sa tindahan galing din sa isa pang sponsor.
Labis ang pasasalamat ng kambal at kanilang mga magulang sa mga biyaya na kanilang natanggap.
Ayon kay Isko, makakalimutan ng sino man may problema ang kanilang problema kapag kausap ang kambal.
Sinabi ni Jaymar na, 'Walang bad vibes, 'yan ang huwag nating kalimutan." --FRJ, GMA Integrated News