Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Biyernes, kasamang itinanong ng King of Talk sa Kapuso Teen Queen na si Jillian Ward kung sino ang kaniyang showbiz crush.

"Ah, Coco Martin," masayang sagot ni Jillian sa tanong ni Tito Boy sa segment na "Fast Talk."

Kung magkakaroon siya ng concert, sinabi ni Jillian na ang idol niyang si Beyonce ang nais niyang maging special guest.

Pero pahabol pa ng teen actress, "At si Tito Boy!"

Ayon pa kay Jillian, kumain, mag-Tiktok, at mag-bonding, ang paborito niyang ginagawa sa set ng kanilang hit Kapuso afternoon series na "Abot Kamay na Pangarap."

Nang tanungin kung sino ang gustong apihin ni Jillian kung magiging kontrabida siya, gigil na tinukoy niya ang mag-inang Moira at Zoey Tanyag, mga karakter nina Pinky Amador at Kazel Kinouchi, na umaapi sa kaniya sa "Abot Kamay na Pangarap."

Sa naturang panayam, sinabi rin ni Jillian na "sobrang close" nila ng kaniyang co-star sa serye na si Jeff Moses.

Inilarawan ni Jillian ang binatang aktor na "super dedicated, sobrang respectful, sobrang motivated sa buhay."

Pag-amin ni Jillian, kapag nakaramdam siya ng burnt out at unmotivated dahil na rin sa tagal na niya sa industriya mula noong bata pa, nakakakuha siya ng inspirasyon kay Jeff.

"May time ako na na-bu-burn out, pero mga kaibigan ko tulad ni Jeff, tinitingnan ko ang work ethic niya at na-i-inspire ako kasi sobrang sipag niya," anang teen star.

Nang tanungin ni Tito Boy si Jillian kung "nagpaparamdam" ba sa kaniya si Jeff, tugon ng dalaga, "I mean sobrang close niya sa 'kin. Sobrang bait niya. Parang wala naman.

"Basta close kami," natatawa pang sabi ni Jillian.— FRJ, GMA Integrated News