Patuloy sa kumakayod ang isang 62-anyos na lola para sa dalawa niyang batang apo. Ang lola, nangunguha ng mga patapong gulay na puwede pa niyang ibenta sa palengke ng Divisoria sa Maynila.
Sa dokumentaryo ni John Consulta sa i-Witness, makikilala ang pulot vendor na si lola Malou Dela Cruz Poblete, na matiyagang nililibot ang Divisoria habang tulak ang kariton para manguha ng mga patapong gulay at mga basura.
Kasabay nito ang pag-aalaga niya sa kaniyang mga apong sina Jeremy, 6 anyos, at Miguel, 4-anyos.
Halos tatlong dekada nang naglilibot sa Divisoria si lola Malou, kaya kabisado na niya ang pasikot-sikot sa palengke.
Ngunit malaki at mabigat ang itinutulak na kariton ni lola Malou. At dahil na rin sa kaniyang edad, nadarama na niya ang pananakit ng katawan.
Ayon kay lola Malou, sumasakit na ang kaniyang tuhod at balikat.
Pipilian ni lola Malou ang mga nakolekta niyang mga gulay mula sa mga tindahan. Ihihiwalay niya ang mga gulay na puwede pa niyang ibenta.
Kapalit ng mga gulay na maaari pang ibenta ang trabaho niyang itapon na rin ang mga kasamang basura.
Ang mahirap na trabahong ito, ginagawa ni lola Malou para hindi raw sila magutom ang kaniyang mga apo.
Silipin sa episode na ito i-Witness ang buong kuwento ng laban sa buhay ni lola Malou para sa kaniyang mga apo. Panoorin.
--FRJ, GMA Integrated News