Dinarayo ngayon sa Tondo, Maynila ang isang kainan dahil sa malaman at malahigante sa laki na sinigang na ibinebenta rito na tinawag ng netizens na “Sinigang na Dinosaur.”
Sa nakaraang episode ng “Good News,” ipinakilala si Roy Salalila, owner ng Sinigang ni Kagawad na nasa Haligi Street, na nagtitinda ng dambuhalang sinigang sa panga.
“Binansagan siyang ‘sinigang na dinosaur’ dahil sa laki ng buto, sa laki ng serving, sa malahigante niyang laki,” sabi ni Salalila.
Kakaiba rin ang lasa ng sinigang na dinosaur, na hindi gaya ng tipikal na sinigang na luto sa bahay.
Inilahad ni Salalila na ginagamit nilang sangkap ang ulo ng baboy, na may mata at panga, na mas malasa dahil nanunuot ito sa bungo.
Kaya naman sa sobrang sarap, nauubos nila ang halos 300 kilo ng panga araw-araw, na kung minsan ay kinukulang pa dahil sa dami ng umu-order na tao.
Ang recipe, namana pa ni Salalila mula sa kaniyang amang si William Salalila, na isang dating kagawad sa kanilang barangay.
Sa kabila ng lakas ng kanilang kita, hindi nawala ang pagsubok sa negosyo ni Salalila, gaya ng pagtaas ng halaga ng baboy. Dahil dito, may mga pagkakataong break-even lang ang kaniyang kita.
Sa halagang P110, makakabili na ng isang order na sinigang na panga at mata sa Sinigang ni Kagawad.
“Malaki ‘yung tulong ng sinigang, ‘yung karinderya sa pang-araw-araw na buhay namin dahil dito namin nairaraos ang buhay namin,” sabi ni Salalila, na layuning ipagpatuloy ang nasimulan ng kaniyang ama.
Tunghayan sa Good News ang pagtikim ng isang “Foreignoy” sa patok na sinigang sa panga ni Salalila. Pumasa kaya ito sa kaniyang panlasa? Panoorin.-- FRJ, GMA Integrated News