Dahil naapektuhan na umano ang kaniyang pamilya, nagpasya ang basketbolistang si Ricci Rivero na magsalita na tungkol sa breakup nila ni Andrea Brillantes.  May nilinaw din siya tungkol sa babaeng nakita ng aktres sa kaniyang condo.

"If ako [lang], OK lang, pero 'wag naman 'yung pamilya ko," sabi ni Ricci sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Lunes.

"Kaya ko tanggapin eh kasi alam ko naman na 'di totoo, pero kapag sa pamilya ko, siguro it's time for me to step up and kailangan ko sila protektahan sa mga issues na 'to," patuloy niya.

Ayon kay Ricci, naghiwalay sila ni Andrea noong first week ng Mayo, makaraang "cool off" ng isang buwan.

"April, we took a little break from each other, kailangan lang ng breather," saad ng binata. "' Yung breakup was first week of May."

Ayon kay Ricci, maraming dahilan sa likod ng kanilang breakup, kabila ang viral video na may nakitang babae si Andrea sa condo ni Ricci.

"'Yung cause ng breakup was 'yung speculation ngayon, 'yung may kumakalat sa social media na may nakita siyang girl sa place ko," sabi ni Ricci.

"Ilang beses naman namin napag-usapan 'to, as in sobrang daming beses na sinabi ko sa kaniya, with all the evidences I have, na hindi sa 'kin 'yung girl," paliwanag niya.

Paglilinaw niya, kasama ng kaniyang kaibigan ang babaeng nakita ni Andrea sa kaniyang condo.

"May papuntang friend ako ng midnight tapos hindi ko naman alam na may kasama siya, tapos 'yun 'yung inabutan [ni Andrea] that time," ayon kay Ricci.

Si Andrea umano ang video na nag-viral sa social media.

"Even after that, nag-uusap pa rin kami, nagkikita pa rin kami, usual us na walang away, walang taasan ng boses, 'yung maayos na pinag-uusapan namin 'yung amin," pahayag pa niya.

Kamakailan lang nang kumpirmahin ni Ricci sa tweet ang breakup nila ng aktres.

Sa naturang tweet, inako ni Ricci ang mga pagkakamali "of not making my relationship status public because I felt there's no need to add up to what [we're] going through."

Sa naturang panayam ni Tito Boy, sinabi ni Ricci na hindi kaagad nila isinapubliko ang kanilang paghihiwalay dahil na rin sa kahilingan ni Andrea.

Wala pang inilalabas na pahayag si Andrea sa naturang hiwalayan nila ni Ricci.—FRJ, GMA Integrated News