Hindi napigilan ni Ariel Rivera ang pag-iyak nang balikan niya ang huling mensahe niya sa kaniyang ama bago ito pumanaw. Ayon sa singer-actor, hindi mahilig magsabi ng "I love you" ang kanilang ama pero ipinapakita nito sa gawa ang pagmamahal sa kanila.

Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes, sinabi ni Ariel na, "I am who I am because of my dad."

Kuwento niya, hindi man masalita ng "I love you" o "I'm proud of you"" ang kanilang ama, lagi naman itong nakasuporta sa kanila gaya ng pagdalo sa mga aktibidad nila gaya ng basketball game.

"He just shows things through actions and I always been like that. I didn't known I was like that," paglalahad niya nang maging ama na siya.

Nang tanungin tungkol sa huling pag-uusap nila ng kaniyang ama, sinabi ni Ariel na magpapasko noong 2019 nang makatanggap siya ng tawag mula sa kaniyang kapatid sa Canada.
 
"My brother Marvin, yung sumunod sa 'kin, said dad's not doing well. Something's wrong with him. He had sepsis na pala, but he was home. Parang, he seems lost. He's not himself," ani Ariel.

Nang tanungin umano niya sa kapatid ang kalagayan ng kanilang ama, sinabi nito na OK lang pero "something's wrong."

Tinawagan na rin daw ni Ariel ang ama para alamin mismo ang kalagayan nito. "He was off topic, like it wasn't him I was talking to."

Patuloy pa ni Ariel, nasa Pilipinas noon ang dalawa niyang anak nang magpasya sila na magpunta sa Japan.

Pero habang nasa Japan, nakatanggap sila ng tawag na dinala sa ospital ang kanilang ama.

"So we went back to Manila right away, and I got the first flight to Toronto. When I saw him, he was in the ICU na. He was breathing because of the apparatus," pagbahagi ni Ariel na nagsimula nang maging emosyonal.

"I just whispered in his ear, and said thank you dad. For everything you've done for me, you've given me. Don't worry I'll take care of mom. Kung pagod na kayo, magpahinga na kayo. That's all I said," ani Ariel na hindi na napigilan ang pag-iyak.

Pumanaw ang ama ni Ariel bago magbagong taon.

Nakarelate naman si Tito Boy sa kalungkutang nadama ni Ariel dahil December 1, 2019 nang pumanaw ang kaniyang ina.

"She also died in my arms. Lowest point of my life," sabi ni Tito Boy. — FRJ, GMA Integrated News