Humingi ng paumanhin si Slater Young sa naging komento niya sa isang podcast episode nila ng asawang Kryz Uy, na normal sa mga lalaking may sabit na magpantasya sa ibang babae.
Sa naturang podcast episode ng Skypodcast na inalis na, nagbigay ng payo sina Slater at Kryz, sa isang letter sender na nayayamot na sa kaniyang nobyo na nagpapantasya pa umano sa ibang babae,
"My boyfriend is fantasizing about other women, is that bad or am I crazy?" tanong ng letter sender sa celebrity couple.
"After all the trust issues about him fantasizing other women, sometimes up to this day, I still get mad thinking I'm never gonna be good enough for him," dagdag pa ng letter sender.
Nagbigay naman ng kanilang pananaw ang podcaster couple sa naturang isyu. Ayon kay Slater, "the guy is being absolutely honest."
Paliwanag ni Slater, normal sa mga lalaki ang pag-usapan ang ibang babae.
"'Yung mga group na nagse-send ng mga photo of girls and like fantasizing over it, it's normal," saad niya.
"S'yempre ikaw, as part of that group, sakyan mo lang. Wala naman, hindi mo naman gusto talaga," patuloy niya.
Pinayuhan din ng mag-asawa ang leter sender na huwag nang palakihin ang isyu kung wala namang ginawang mali ang kaniyang nobyo.
Kung pagbabatayan ang sulat, hindi naman direktang nagtataksil ang nobyo sa babae.
"I think you should use that time and energy instead to maybe, not the right word to say, but make yourself more attractive in that sense. Use that time and effort for yourself," payo ni Kryz.
Inalmahan ng ilang netizen ang komento ng mag-asawa. May nag-akusa pa kay Slater na enabling misogyny, habang pinuna naman ang pagkokonsinti umano ni Kryz sa kaniyang mister.
"Triggering" naman ang tawag ng iba sa naturang podcast episode at "red flag" umano si Slater.
Mali pala talaga ako
Kasunod nito, humingi ng paumanhin si Slater at inako ang pagkakamali sa kaniyang sinabi.
"Sometimes you think that you did something OK and it takes a little while for it to sink in na, 'Oo nga no, mali pala talaga ako,'" saad ng influencer.
"Kasi s'yempre 'pag merong mga comments and merong mga reactions na parang ina-attack ka your first instinct is to be defensive," dagdag niya.
Sinabi ni Slater na sinuri niya ang mga komento tungkol sa kaniyang sinabi para makita ang pananaw ng iba.
"And I finally realized na, 'Oh my God, I really made a mistake,' because I'm giving it power na, to say it's OK, and me saying it's normal, kind of normalizes it and makes it OK," paliwanag niya.
"The last thing in my mind and my heart would be to objectify women," patuloy ni Slater.
Napagtanto rin ni Slater na dapat maging mabuti siyang halimbawa sa iba, at maging maingat sa kaniyang mga sinasabi.
"I should've called it out na parang, 'Ah it happens, but this isn't ok, we should hold ourselves to a higher standard.' When sa akin, like, 'Oh it happens, don't worry about it.' 'Yun 'yung sinabi ko," ayon kay Slater.
Learning experience na itinuturing ni Slater para sa kanila ang nangyari.
"When I read the articles [about the issue], I don't feel angry, I feel ashamed na parang nako-quote ako ng ganyan and parang, 'Ah, this is not me and I wish I could take it back,'" saad niya. "I know for a fact that I said that. Like nahiya talaga ako."
Sinuportahan naman ni Kryz ang kaniyang asawa, at tiniyak niya sa publiko na hindi gaya ng iniisip ng iba si Slater.
"I'm at peace with that, I know you're a good guy," ani Kryz.
Taong 2019 nang ikasal sina Slater at Kryz, at mayroon na silang dalawang anak. —FRJ, GMA Integrated News