Itinuturing na bayani ang isang aso sa General Santos City matapos siyang bumalik sa nasusunog nilang bahay dahil naiwan ang amo niyang apat na taong gulang, Nasagip ang bata pero nagtamo ng third degree burn ang aso.
Sa ulat ni Abbey Caballero ng GMA Regional TV One Mindanao sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang insidente noong Biyernes ng madaling araw sa Barangay Calumpang.
Kinilala ang hero dog na si "Princess," isang four-month-old na Belgian Malinois, at alaga ng pamilya Dela Fuente.
Kuwento ng mga kapitbahay, kaagad na nakalabas mula sa nasusunog na bahay ang pamilya Dela Fuente, kasama ang dalawang bata.
Pero hindi nila napansin na hindi nila kasamang lumabas ang bunsong anak na si Samjib, na apat na taong gulang.
Dito na umano kumahol nang kumahol si 'Princess' sa ama ng bata na tila nais sabihin na nasa loob pa si Samjib.
“Kung tao yung aso, siguro masabi niya talaga na ang anak mo nasa loob pa,” sabi ni Jayson Biato, kapitbahay ng pamilya Dela Fuente.
Kasama ang aso, kaagad na bumalik ang ama ni Samjib sa nasusunog na bahay para kunin ang anak.
Nailigtas si Samjib pero nagtamo ng third degree burn si Princess na kailangang gamutin.
“With that type of burn, hindi madali o matagal yung treatment at recovery. She is currently undergoing laser therapy para madaling mag-dry ang sugat niya at the same time mag-regenerate ang cells niya,” ayon kay Dr. Jacquiline Madi, MVD, nag-aalaga kay Princess.
Ang lolo ni Samjib, malaki ang pasasalamat kay Princess sa pagkakaligtas ng kaniyang apo.
Umani ng maraming papuri sa netizens si Princess nang i-post ni Madi sa social media ang ginawang kabayanihan ng aso.
“Marami na kaming cases na similar kay Princess ang pinagkaiba lang, naging savior siya o hero ng bata so naantig kami lahat that’s why I decided to post it on social media,” paliwanag ng duktora. -- FRJ, GMA Integrated News