Hindi napigilan ni Lani Misalucha ang sarili na maging emosyonal habang binabalikan ang naging epekto sa kaniyang singing career ng pagkawala ng kaniyang pandinig.

Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Lunes, inilahad ni Lani ang nangyari sa kanila ng kaniyang mister na si Noli dahil sa bacterial meningitis.

"Ang bacterial meningitis ay hindi biro, maaring mag-cost ito ng iyong buhay kapag 'di naagapan," anang Asia's Nightingale.

Kuwento pa ni Lani, nang dalhin sila ng kaniyang asawa sa ospital ay nararamdaman na nila ang epekto ng sakit, kabilang ang paglabo ng kanilang paningin at pagkawala ng pandinig.

"So, you can imagine for a singer like me, mawawalan ng pandinig eh parang napakahirap nu'n, 'di ba," saad niya.

Sinabi ni Lani na dumaan sila nila ni Noli matinding gamutan para patayin ang bacteria sa kanilang katawan.

"Pinatay nila 'yung bacteria through medicine and all that, and then binigyan kami ng steriods para bumaba yung swelling sa brain namin," patuloy ng mang-aawit.

Ayon kay Lani, ang karanasan niya sa bacterial mengingitis ang isa sa pinakamatinding health scares sa kaniyang buhay, at naging banta sa kaniyang singing career.

"Napakaterible ng pakiramdam na, paano ako kakanta na 'yung sarili kong boses hindi ko na naririnig?" paliwanag niya.

Sabi pa niya, noong umawit siya sa Christmas special ng The Clash 2020, hindi niya alam na sintunado siya.

"Noong kumanta na nga ako doon sa Chrismas concert ng The Clash, hindi ko alam na sintunado pala ako, na hindi ko na-hit 'yung notes ko," lahad niya.

"Lahat ng naririnig ko sintunado, and I even told myself after singing na kung ganito rin lang, bakit pa ako kakanta? Sinong audience ang gustong makarinig ng sintunado?" dagdag ni Lani.

May pagkakataon din umano na tinanong ni Lani ang Diyos sa kinakaharap niyang pagsubok sa buhay.

"Siyempre, hindi mo maiiwasan in the beginning na, bakit naman ganun, singer ako eh?" aniya. "Ito lang 'yung binigay sa 'kin ng Panginoong Diyos na gift, mawawala pa."

Ayon kay Lani, hindi niya masabi kung mas mabuti na ang pakiramdam niya ngayon pero "we gotten used to the situation."

"It doesn't really matter if my hearing is going to come back. It doesn't matter anymore because this was given to me, makaka-complain pa ba ako?" pahayag niya.

"There are just a lot of other amazing and beautiful things happening in our life, bakit pa ako mag-complain?" patuloy niya.

Taong 2020 nang ihayag ni Lani ang pagkawala ng kaniyang pandinig sa isang tenga, at naging mahina naman sa isa pa nang dahil sa bacterial meningitis. — FRJ, GMA Integrated News