Ikinuwento ng dating child star na si BJ "Tolits" Forbes ang matapang na paglaban ng first baby nila ng kaniyang asawa na na-stroke noong one-year-pa lang matapos magkaroon nang matagal na seizure.
Ginawa ni BJ ang pagbabahagi sa segment ng "Bawal Judgmental" ng "Eat Bulaga," kung saan guest choices ang mga dating child star na magulang na ngayon.
Napag-alaman na tatlong-taong-gulang na ngayon ang anak ni BJ na si Janela, pero patuloy pa raw na inaalam ng mga doktor kung saan nanggagaling ang seizure disorder ng bata.
Ayon pa kay BJ, nang atakihin noon ng seizure si Janela, nagtuloy-tuloy ito kahit pa nabigyan na ang bata ng gamot na pangontra sa seizure.
Hanggang sa nawalan na umano ng oxygen sa utak ang bata na nauwi sa stroke.
"Kung ano yung dahilan ng seizure niya, hanggang ngayon po eh inaalam pa po namin. Nagpapa-genetic test pa po kami at iba pang mga test," anang aktor.
Sa kabila ng nangyari, nagpapasalamat si BJ na patuloy pa rin nilang kasama si Janela at nakikita nila ang improvement ng bata araw-araw.
"Hopefuly samahan niyo po kami sa prayers na maging maayos na po si baby," sabi ni BJ.
Nagpapasalamat din si BJ na matatag ang kaniyang asawa at nagtutulungan sila para harapin ang pagsubok ng kanilang pamilya.
"Hindi puwedeng magsabay na parehas kaming mahina sa sitwasyon. Hatakan kami pataas, naghahatakan kami para magkaroon kami ng lakas ng loob na harapin, at siyempre dasal lang po," ani BJ, na nananatiling positibo ang pananaw sa buhay.
Sabi ni BJ, hindi sila sa bibitiw sa pagsubok dahil nakikita nila na lumalaban mismo ang kanilang anak.
"Walang bibitaw dahil yung bata nga lumalaban what more kami," sabi niya.
Mensahe niya sa anak, "Janela, mahal na mahal kita. Daddy is always here for you kahit anong mangyari. Napakabata mo pa pero napakarami mo nang pinagdanan, napakarami mo nang sinurvive. At pinapakita mo sa amin kung gaano ka ka-strong na bata."
Patuloy pa ni BJ, "Kaya kami rin ng mommy mo magpapaka-strong para sa'yo. And pagka-napanood mo ito at magaling ka na, sana maging proud ka rin aming mga magulang mo. Dahil sama-sama nating inilaban itong pagsubok natin na ito. Mahal na mahal kita."
--FRJ, GMA Integrated News