Gamit ang toothbrush at piraso ng bakal, nagawa ng dalawang preso sa Amerika na mabutas ang pader ng kanilang kulungan at makatakas. Pero sandali lang ang nakamit nilang kalayaan matapos silang mahuli kaagad nang mag-almusal sa isang kilalang pancake restaurant.
Sa video ng GMA News Feed, sinabing gabi noong March 20 nang ireport na nawawala sa isang piitan sa Virginia, USA sina John Garza, 37-anyos, at Arney Nemo, 43-anyos.
Nakakulong si Garza dahil sa iba't ibang asunto kabilang ang contempt of court, paglabag sa probation at hindi pagsipot sa kaniyang mga pagdinig.
Habang nahaharap naman sa kasong credit card fraud, forgery at pagnanakaw si Nemo.
Batay sa imbestigasyon, nadiskubre umano nina Garza at Nemo ang mahinang bahagi ng pader sa piitan.
Ang nakuha raw nilang reinforcement bar mula sa isang construction site sa compound ang ginamit nila para mabutas ang pader.
Pinagtiyagaan nilang palakihin ang butas sa tulong din ng toothbrush. Hindi binanggit sa ulat kung gaano katagal ang ginugol nila sa paggawa ng malaking butas.
Pero matapos na maitimbre na nawawala ang dalawa noong Marso 20, naaresto na sila noong madaling araw ng Marso 21, nang mag-almusal sila sa isang kilalang pancake restarurant, 11 kilomentro ang layo mula sa kulungan na pinanggalingan nila.
Batay sa pahayag ng Newport News Shariff's Office, may mga sibilyng nakakita sa dalawa at agad silang inireport sa mga pulis.
Nagsasagawa na ng internal investigation ang Sheriff's office para alamin kung sino ang may pananagutan sa pagkakatakas ng dalawa, at ano ang mga hakbang na dapat gawin para hindi na maulit ang insidente.--FRJ, GMA Integrated News