Dahil sa kakaibang hitsura ng kanilang mga mata, madalas na nakatatanggap ng mga panunukso ang mga taong may strabismus o pagkaduling. Pero may paraan na para ito maayos sa pamamagitan ng operasyon. Alamin kung papaano ito ginagawa.
Sa kuwentong "Dapat Alam Mo!" ni Nico Waje, sinabing madalas na tampulan ng tukso ang 22-anyos na si Albert de Castro dahil sa misaligned niyang mga mata o crossed eyes, na napansin noong bata pa lamang siya.
Apat na taong gulang siya noon nang magkaroon ng kombulsiyon. Normal naman daw ang kaniyang nakikita, pero hindi pantay ang direksyon ng kaniyang mga mata.
Hanggang sa nalaman na may kondisyon siyang strabismus.
Para maiwasan ang pangungutya, nagsusuot si Albert ng itim na salamin. Gayunman, puro panunukso pa rin ang kaniyang natatanggap mula sa mga kakilala, kaklase, at maging sa ilang kamag-anak.
Hanggang sa malaman ni Albert ang tungkol sa strabismus surgery.
Para makaipon ng P90,000 na halaga ng operasyon, naglalako si Albert ng face masks, at ibinenta niya ang kaniyang motorsiklo.
Ayon sa ophthalmologist na si Joanne Bolinao MD, ang strabismus, o pagkaduling, pagkabanlag, ay kondisyon na hindi pareho ng posisyon ang mga mata, na maaaring papasok o palabas, pataas o pababa.
Nilinaw din ni Bolinao na walang kinalaman ang kombulsiyon ni Albert sa pagkaduling ng kaniyang mga mata. Posible raw na congenital ito o nakuha sa pagkapanganak, o dahil sa ibang sakit tulad ng thyroid diseases, diabetes, stroke, o trauma na sanhi ng pagkabagok.
"Kapag ang pasyente tulog na there's an intrument that will keep the eye open. So ma-a-access na natin ngayon yung muscle [sa gilid ng mata] na naghahatak papunta sa ilong, mas malakas kaysa doon sa papunta sa tenga," ayon kay Bolinao.
Sa surgery, ipinaliwanag ni Bolinao na ang muscle na mas malakas ay maaaring mahinain o iatras, o ang muscle na gustong palakasin ay maaaring itupi para mabatak, o bawasan para humigpit upang mas gumitna ang mata,
Ayon pa kay Bolinao, halos 20 taon ang society ng strabismus surgery sa Pilipinas, at lahat umano ng ophthalmologist ay may kasanayan na magsagawa ng strabismus surgey.
Gayunman, mas may karanasan sa naturang uri ng operasyon ang mga may specialization.
Tunghayan sa video ng "Dapat Alam Mo" ang resulta ng naging operasyon sa mga mata ni Albert.--FRJ, GMA Integrated News