Pagkaraan ng 28 araw mula nang tumama ang malakas na lindol, isang aso ang nasagip--kasama ang tatlong bagong silang niyang mga tuta-- mula sa isang gumuhong gusali sa Hatay, Turkey.

Sa ulat ng Reuters, laking gulat at tuwa ng may-ari ng 2-1/2-year-old na Doberman na si "Sila," nang malaman niya na nakaligtas at nakapanganak ng tatlong tuta ang kaniyang alaga.

Kuwento ni Kadir Keyifli, humingi siya noon ng tulong sa local rescue teams para sagipin ang kaniyang aso pero hindi sila makapasok sa loob ng guho.

Noong Lunes, sinubukan ng Meyako, isang regional animal rescue team, na hanapin ang aso. Nakarating ang grupo sa basement ng gumuhong gusali kung saan nakulong si Sila. Doon nila nakita na hindi lang basta nakaligtas sa lindol si Sila, matagumpay pa siyang nakapagsilang.

"What did you drink here? What did you eat? Did you give birth to three of them?," makikita sa video na tinatanong isang rescue worker kay Sila.

Nagawang makalusot ng rescue workers sa makipot na daan sa guho, at binutas ang isang pinto para makapasok sa isang kuwarto sa basement na hindi masyadong napinsala ng lindol.

"My dogs are coming out after one month. Thank God," sabi ni Keyifli sa ibinahagi ng Meyako.

Napag-alaman na may bag ng dog food na naiwan sa basement na naging pagkain ni Sila.

Gayunman, sinabi ng rescuers na nangayayat si Sila. Dinala ang mga aso sa Adana para masuri sila at magamot.

Dahil sa naturang lindol, tinatayang mahigit 52,000 katao ang nasawi sa Turkey at katabi nitong bansa na Syria. -- Reuters/FRJ, GMA Integrated News