Sa loob ng isang araw, kaya umanong makaubos ng hanggang tatlong menthol rub ang isang batang apat na taong gulang sa Maguindanao na kaniyang ipinapahid sa iba't ibang bahagi ng katawan at inaamoy. Ang kaniyang mga magulang, labis nang nababahala.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," makikita ang batang itinago sa pangalang "Joy," na umiiyak sa kaniyang ama upang magpabili ng menthol rub.
Pinuntahan nila ang mga tindahan sa barangay pero wala silang mabili dahil naubos na. Ayon sa isang tindera, ang mag-ama ang laging bumibili ng naturang pamahid kaya nauubos ang kaniyang stock.
Upang tumigil sa pag-iyak si Joy, bumiyahe pa ng mahigit 30 minuto sakay ng motorsiklo ang ama niya na itinago sa pangalang "Nathan," upang makabili ng naturang pamahid.
At nang umuwi si Nathan, agad niyang ibinigay ang menthol rub sa anak, na kaagad namang ipinahid sa kaniyang mga kamay, mga paa, batok, ilong, at maging sa mata.
Ayon kay Nathan, sa nakalipas na dalawang taon, aabot na sa 300 menthol rub ang nagamit ng kaniyang anak.
Ang pagkahilig ni Joy sa menthol rub, nakadagdag sa kanilang gastusin, gayung P200 lang ang kinikita ni Nathan sa isang araw sa pagsasaka.
Kuwento ng ina ng bata na itinago sa pangalang Agnes, nagsimulang mahilig sa menthol rub ang kaniyang anak mula nang maospital ito dahil sa pagtatae noong dalawang taong gulang pa lang.
Nang makauwi sila mula sa ospital, doon na umano nagsimulang magpahid ng menthol rub si Joy hanggang sa kinalaunan, hinanap-hanap na ito ng bata.
Dahil nangangamba ang mag-asawa na tuluyang malulong ang anak sa menthol rub, humingi sila ng tulong para maipasuri sa espesyalista ang bata.
Ano kaya ang lalabas sa ginawang pagsusuri ng mga duktor kay Joy? May paraan kaya upang maagapan ang kaniyang pagkahilig sa menthol rub? Tunghayan ang buong kuwento sa video ng "KMJS."-- FRJ, GMA Integrated News