Dinaig ng magkaibigang Koreana ang dalawang pares ng magkapatid na Pinoy na sumabak sa Pinoy Henyo! edition ng "Eat Bulaga" nitong Biyernes.
Unang sumalang ang magkapatid na Michael at Michelle na bigong mahulaan ang salitang "Las Vegas" sa loob ng dalawang minuto.
Sumunod naman ang magkaibigang Korean na sina Sandra, 20 taon na sa Pilipinas, at si Pancake na 15 taon nang namamalagi sa bansa.
Ayon kay Sandra, sa Pilipinas siya nag-aral mula nang mag-elementarya siya dahil nasa Pilipinas ang kaniyang mga magulang.
Inihayag naman ni Pancake na ang una niyang tutor ang nagbigay sa kaniya ng naturang pangalan.
Umuuwi lang umano sila sa Korea tuwing bakasyon.
Ang mga host ng Eat Bulaga, sinabing excited silang makita ang kalalabasan ng paghula ng dalawa sa Pinoy Henyo.
Si Sandra ang nagbigay ng clue, habang si Pancake naman ang humula sa salitang "Sinigang na Baboy."
Mabilis na nakuha ni Pancake sa 11 segundo ang mga clue na pagkain at ulam ang pinapahulaang salita.
Pagpatak ng 21 segundo, nakuha na rin niya ang clue na may sabaw ito. Kaya naman nagsimula nang magbigay ng pangalan ng ulam na may sabaw si Pancake gaya ng bulalo at ang tamang sagot na sinigang na baboy sa bilis na 32.55 segundo.
Ayon sa dalawa, pareho silang kumakain ng sinigang. Si Pancake, sinigang na hipon ang paborito, habang tumbok naman sa sinigang na baboy ang hilig ni Sandra.
Dahil hindi rin nahulaan ng ikatlong pares na player na magkapatid na Claire at Alyssa ang pinapahulaang salita na "Panda," sina Sandra at Pancake na naglaro sa jackpot round.
Alamin kung may masasagot ang magkaibigang Koreana na gustong iuwi ni Alan K, sa pagsalang nila sa jackpot round na nagmistulang tutorial din ng mga salita. Panoorin.--FRJ, GMA Integrated News