Isang sunog na bangkay ng 35-anyos na babaeng overseas Filipino worker ang nakita sa disyerto ng Kuwait.
Tiniyak naman ni Department of Migrant Worker (DMW) Secretary Susan “Toot” Ople nitong Lunes na gagawin ang lahat para mabigyan ng hustisya ang biktimang si Jullebee Ranara.
Inihayag ito ni Ople nang makipag-ugnayan siya sa pamilya ni Ranara para makiramay.
Ayon sa DMW, natagpuan ang sunog na labi ng biktimang domestic worker nitong Linggo.
Inaresto ng mga awtoridad sa Kuwait ang anak ng amo ng biktima, dagdag pa ni Ople.
Bukod sa pakikiramay, nangako rin si Ople na magbibigay ng tulong ang DMW sa pamilya ni Ranara.
Sa kasalukuyan, hinihintay pa ng ahensya ang opisyal na ulat sa insidente mula sa mga awtoridad ng Kuwait.
Hiniling naman ng pamilya ng biktima ang kanilang privacy upang makapagdalamhati sa pagkamatay ni Ranara, ayon pa sa DMW.
Samantala, kinondena ng DMW ang karumal-dumal na krimen at nanawagan sa gobyerno ng Kuwait sa agarang pagresolba ng kaso.
Bukod sa DMW, sinusubaybayan din ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang insidente at nakikipagtulungan din sa mga awtoridad ng Kuwait.
Kamakailan lang, iniulat ang pagsisiksikan ng mahigit 400 distressed OFWs sa shelter doon ng Pilipinas na karamihan ay tumakas sa kani-kanilang mga amo.
Nauna nang sinabi ng DMW na sinisikap nilang maiuwi ang lahat ng mga distressed OFWs sa Kuwait sa katapusan ng Enero.--Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News