Emosyonal ang come-from-behind win ng Team Kakabakaba sa "Family Feud Philippines," at inialay nila ang panalo sa kanilang co-star noon na si Andrew Schimmer at sa namayapa nitong kabiyak na Jhoromy Rovero.
Sa episode ng naturang game show na ipinalabas nitong Huwebes, itinuturing ng host na si Dingdong Dantes na "reunion" ang makasama ang apat sa mga cast member ng "Kakabakaba," kung saan siya ang naging direktor noon.
Napiling team captain ng Kakabakaba si Julie Lee, kasama niya sina Kiel Rodriguez, Gayle Valencia, at Benj Basa.
Ayon kay Julie, kasama nila dapat sa naturang laban si Andrew pero nangyari ang hindi inaasahan na biglang pumanaw ang kabiyak nito na si Jhoromy habang nakaratay sa ospital.
Nakalaban ng team Kakabakaba ang team Bebulilits na binubuo ng mga vlogger na sina Forz Nartia, Forda Ferson, Charuth Reyes, at Arshie Larga.
Sa unang tatlong rounds, nakuha ng Bebulilits ang total 274 points at zero naman ang Kakabakaba. Pero nagawang manalo at maglaro sa fast money round ang Kakabakaba nang makuha nila ang lahat ng tamang sagot sa ikaapat at huling rounds na may kabuuang puntos na 297.
Sa fast money round, maaaring madagdagan pa ng P100,000 ang naunang P100,000 na napanalunan ng team Kakabakaba mula sa elimination round.
Napili nilang maglaro sa jackpot sina Gayle at Benj kung saan kailangan ng dalawa nakakuha ng hindi bababa sa 200 points para mapanalunan ang karagdagang P100,000 premyo.
Unang sumagot sa mga tanong si Gayle na nakaipon agad 130 points. Kaya naman hindi dapat bababa sa 70 points ang makuha ni Benj.
Pero sa tatlong unang sagot ni Benj, nakakuha lang siya ng kabuuang 23 points.
Pero sa dalawang huling sagot na binuksan, bumawi at kumabig si Benj ng 38 at 40 points, kaya umabot sa 231 ang total points na nakuha nila.
Dito na inihayag ng team na alay nila para kay Andrew at kay Jhoromy ang kanilang panalo.
Noong nakaraang Disyembre 20 nang ibahagi ni Andrew sa kaniyang video post sa Facebook ang biglang pagpanaw ng kaniyang kabiyak.
Humingi rin siya ng paumanhin na kinailangan niyang umalis sa taping ng naturang game show dahil sa malungkot na pangyayari.
May isang taon nang nakaratay noon sa ospital si Jhoromy dahil sa sakit na hypoxemia. -- FRJ, GMA Integrated News