Nanalo sa jackpot round ng "Pinoy Henyo" sa "Eat Bulaga" sina WinWyn Marquez at longtime family driver nila na si Mang Omar na relax at cool lang sa buong kompetisyon dahil sa pagiging mahiyain.
Sa episode ng show nitong Miyerkules, sinabing 35 years nang nagsisilbi bilang driver sa pamilya Marquez si Mang Omar, na 66-anyos na ngayon.
Sadya raw mahinahon at mahiyain na tao si Mang Omar, kaya pinaalalahan siya ng mga dabarkads na hindi dapat mahiya sa pagsalang sa Pinoy Henyo na may time limit.
Sa elimination round, nasagot ni Winwyn ang pinapahulaang salita na "Pinakbet" sa loob ng 43 segundo, at sila ang umusad sa jackpot round.
Sa naturang round, cool pa rin si Mang Omar na siyang unang humula sa salitang "Muntinlupa." Kabaligtaran naman si Winwyn na tensiyunado sa pagbibigay ng clue.
Pero ipinakita ni Mang Omar na epektibo ang pagiging relax niya dahil nasagot niya ang "Muntinlupa."
Mahusay din na naibigay ni Mang Omar kay Winwyn ang clue para sa sumunod na salitang "Jung Kook," na miyembro ng K-Pop group na BTS.
At sa huli, suwabe ring nasagot ni Mang Omar ang "necklace," para makuha nila ni Winwyn ang P50,000 jackpot prize. Panoorin ang nakatutuwang episode.--FRJ, GMA Integrated News