Nag-viral sa social media ang larawan ng isang P1,000 bill na kumulubot at tila nalusaw matapos na aksidente umanong maplantsa.
Sa ulat sa GMA News “24 Oras”, ibinahagi ng uploader na si Jonathan De Vera, na hindi raw niya alam na may naiwang P1,000 polymer bill sa bulsa ng kaniyang pantalon habang namamalantsa.
Humingi na raw siya ng tulong sa banko para mapalitan pero hindi na raw ito tinanggap.
Nanghihinayang si Jonathan sa tila nalusaw na pera dahil pandagdag raw sana ito na pang-enroll.
Makikipag-ugnayan raw siya sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) para mapalitan ang halos nalusaw na pera.
Bagaman itinuturing ng BSP na mas matibay ang polymer bank notes, nauna na nilang pinaalala na hindi ito dapat plantsahin.
Sa mga nauna ring pahayag ng BSP, maaaring dalhin ng publiko sa banko ang mutilated banknotes para ipasuri ito sa BSP.
Maituturing na mutilated ang pera kapag nagbago na ang orihinal na sukat o kaya naman nasunog.--Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News