Arestado ang isang vlogger na German national dahil umano sa pagsasamantala at panloloko sa isang menor de edad na babae na pinalabas niyang pick-up girl na kaniyang tinulungan sa Muntinlupa. Itinanggi naman ng suspek ang paratang at iginiit na "mabait guy" siya.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, kinilala ang dayuhan na si Marcel Messall, na ayon sa mga awtoridad ay overstaying alien na dahil nag-expire na ang kaniyang visa noon pang 2019.
Ayon sa 17-anyos na biktima na itinago sa pangalang "Ging," kinumbinsi siya ng suspek na sumunod sa script nito para sa “24-hour Jowa Challenge”, na pang-content sa social media.
Pero nagulat siya na lumabas ang video na pinalabas siyang single-mom na pick-up girl.
“Naiyak na lang po kasi hindi ko alam na ganun ang gagawin niya. Ang alam ko ang content namin yung 24-hour Jowa Challenge, tapos ganun pala,” ayon kay Ging.
Sinabi naman ni Muntinlupa Police chief Police Colonel Angel Garcillano, na pinalabas ng suspek na 18-anyos ang babae kahit alam nito na 17-anyos at menor de edad ang babae.
“Alam ng suspek na ang ating victim ay 17-years-old. Kaya nga lang po for the purpose ng kanilang content sinabihan niya na magpanggap na 18-years-old [ang babae],” ayon kay Garcillano.
“Nung inupload ng suspek itong ginawa nila, nakita niya na iba ang inupload sa social media at dito po makikita natin na ‘yung biktima nagmumukha po siyang isang pick-up girl,” dagdag pa ng opisyal.
May panghahalay din umanong naganap sa menor de edad base sa kuwento at medical findings sa babae, ayon pa kay Garcillano.
Depensa naman ni Messall, wala siyang ginagawang masama sa kaniyang vlog at hindi niya raw alam na menor de edad ang babae.
“I didn’t do anything to her… doing something with the 18-year-old is not bawal. Only if minor, diba? If I know that she's a minor, I would never ever agree to her, because I’m a mabait guy,” giit ni Messall.
Dahil sa ginawa ng Messall, hiniling ni Muntinlupa Mayor Ruffy Biazon sa Konseho ng Lungsod na ideklarang persona non grata ang dayuhan.
“Ang aking panawagan sa city council na i-declare na non grata itong individual na ito. Dahil ‘yung ginawa niya sa isang Muntinlupa citizen, hindi lang naka-offend sa isang tao, which is the victim, but the entire city. Na-portray niya yung city as if haven ito ng prostitution,” sabi ni Biazon.
Sa Facebook post, sinabi rin ng alkalde na hindi niya papayagan ang mga katulad na gawain ng dayuhan.
"Hindi natin tino-tolerate ang ganitong klaseng mga activity. This also serves as a warning to all other persons na engaged sa ganito; kung ganyang klaseng content din ang gagawin nila, 'wag na nilang pagtangkaan pa," babala niya.
Isasailalim naman daw sa psychological assessment ang babae para maibigay ang nararapat na tulong.
Sinampahan ng reklamong paglabag sa Anti Photo and Voyeurism Act at rape ang dayuhan, na nakakulong sa Muntinlupa Police Station.-- Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News