Nabura na ang record nina Jose Manalo at Wally Bayola na 22 segundo sa pinakamabilis na pagsagot sa "Pinoy Henyo" ng "Eat Bulaga." Ang bagong record, nakamamanghang siyam na segundo lang. Alamin kung sino ang nakagawa nito. 

Sa episode ng "Eat Bulaga" nitong Lunes, ang mga opisyal ng barangay Bagong Silangan sa Quezon City na sina Patricia at Josland, ang sumira sa naitalang record nina Jose at Wally.

WATCH: Jose Manalo at Wally Bayola, ipinakita ang talas sa Pinoy Henyo!
 

Nangyari ito sa elimination round nang masagot kaagad ni Patricia ang pinapahulaang salita na "wallet."

Si Patricia ang naupo bilang tagahula ng salita, habang si Josland naman ang natokang magbigay ng clue, o tagasabi ng "oo, hindi, at puwede."

Nang magsimula ang laro, kahit nagja-jumble pa o hindi pa malinaw ang pinapahulaang salita, kaagad na nagtanong na si Patricia ng "tao, bagay."

Sumagot naman si Josland ng "oo" nang sabihin ni Patricia ang bagay. Nangyari habang hindi pa rin tumitigil sa pag-jumble ang mga letra.

Sinundan na agad ito ni Patricia nang pagbigkas ng mga bagay sa loob ng bag, hanggang sa masabi niya ang pinapahulaang salita na "wallet," na sakto naman na siyang pagtigil ng pag-jumble ng mga letra.

Ang official time na nakuha nina Josland at Patricia-- 9.98 seconds. Binasag nila ang mahigit 22 seconds na record nina Jose at Wally, na kamakailan lang ay muling isinabak sa Pinoy Henyo para alamin kung gaano talaga sila kahusay sa paghula ng mga salita.

WATCHJose Manalo at Wally Bayola, muling isinalang sa Pinoy Henyo
 

Dahil sa bilis nina Josland at Patricia, sila ang naglaro sa jackpot round ng Pinoy Henyo. Alamin kung nakuha rin nila ang P50,000 jackpot prize. Panoorin ang nakabibilib nilang laro sa video.--FRJ, GMA Integrated News