Ang buhok ang sinasabing "crowning glory" ng isang tao. Kaya ngayong bagong taon, asahan din ang bagong haircut style at hair color. Anu-ano kayang hairstyle at kulay ang mauuso ngayon? Alamin.
Sa programang "Unang Hirit" nitong Huwebes, sinabi ng celebrity stylist na si Lourd Ramos, na mauuso ngayong 2023 ang semi taper haircuts at dessert colors.
"Tapos na tayo sa ash color ngayong taon. It's all about dessert colors. It's very vibrant, it's very radiant kasi nga start anew," sabi ni Ramos.
Ilan sa dessert colors na puwede sa mga kalalakihan ang dark mint chocolate at dark chocolate brown, na babagay para sa mga ama, abogado, doktor at mga estudyante.
Puwede rin ang classic undercut sa eskuwela at trabaho na hindi masisita ang mga lalaking estudyante o mga empleyado.
Para naman sa mga kababaihan, "in" ang short hair ngayong taon.
Ilan sa babagay sa kanilang kulay ang triple white chocolate, na tinernuhan ng super straight fringe bangs. Pwede ito sa mga babaeng estudyante, mga nanay at tita.
Mungkahi rin ni Ramos para sa mga kababaihan ang flower haircut na may side fringe. Puwede ito na may ponytail, kulutin o ituwid. Panoorin ang video para makita ang sample.-- FRJ, GMA Integrated News