Sa pagbabalik-Kapuso ni Boy Abunda, sa "Kapuso Mo, Jessica Soho" unang sumalang ang "King of Talk" para sa one-on-one interview. Nagpalitan sila ni Jessica ng mga tanong sa iconic "fast talk," at hindi mawawala ang tanong na "light on or lights off."
Sa episode ng "KMJS" nitong Linggo, sinabing ginawa ang panayam kay Boy sa kaniyang bahay. Dito, ipinakita ng veteran TV host ang mga iniingatan niyang gamit tulad ng typewriter na kaniyang unang ginamit sa kaniyang trabaho.
Makikita rin ang mga larawan na kasama niya ang kaniyang pinakamamahal na ina. Ipinakita rin ni Boy ang ilang bahagi sa luma nilang bahay upang mailagay sa bahay niya ngayon.
Kuwento ng TV host, galing siya sa mahirap na mula sa Samar. Naranasan daw nila ang matinding hirap sa buhay. Katunayan, minsan din daw siyang natulog noon sa Luneta.
Hindi raw pinangarap ni Boy na magiging bahagi ng showbiz. Ang kaniyang ina, pangarap na maging accountant siya, habang gusto ng kaniyang ama na maging abogado siya.
Nagsimula siya sa teatro bilang production assistant na tagalinis sa backstage, hanggang sa naging stage manager. Naging pinuno siya ng public relation ng Metropolitan Theater, at habang nasa PR job ng ilang sikat sa music industry, inalok raw siya ng GMA na subukan ang telebisyon.
Ayon kay Boy, siya ang tao na walang tinatanggihan. And the rest is history ika nga.
Sa kaniyang trabaho, sinabi ni Boy na ayaw niya pansinin ang mga basher o troll.
Minsan na rin siyang tinawag ng ilang netizen na “enabler.”
Hindi umano niya ugali ang magbasa ng mga pambaba-bash sa kaniya. Pero nilinaw niyang hindi dahil sa natatakot siya.
“I refuse to entertain negativity or trolls into my space. I’m old enough to know kung saan ako tama at kung saan ako mali,” paliwanag ng TV host at sinabing ang partner niyang si Bong ang kaniyang support system at kritiko na rin.
“I will not be defined by your words,” giit niya.
Natutuwa naman at wala raw problema kay Boy ang mga meme tungkol sa kaniya.
Panoorin ang buong panayam ni Jessica kay Tito Boy at alamin ang kanilang mga sagot sa palitan nila ng "Fast Talk." Alamin din ang mensahe nila sa kanilang mga sarili sa harap ng "mahiwagang salamin" ni Boy.--FRJ, GMA Integrated News