Binalikan ni Yasmien Kurdi ang mga pagsubok sa buhay na kaniyang pinagdaanan sa murang edad nang kinailangan niyang magtrabaho para sa pag-aaral matapos maghiwalay ang kaniyang mga magulang.
"Naghiwalay ang parents ko noon, mom and dad ko naalala ko I was 12 or 13, noong pag-uwi nga rito sa Philippines," pagbabahagi ni Yasmien sa Updated with Nelson Canlas podcast.
Bago nito, lumaki si Yasmien sa Kuwait dahil doon nagtatrabaho ang kaniyang ama na isang Lebanese, at Filipina ang kaniyang ina.
Hanggang sa magdesisyon ang kaniyang ina na umuwi na sa Pilipinas.
"'Yung dad ko biglang nagsabi na ayaw na niyang magpadala hangga't hindi kami bumabalik sa Middle East. Eh 'yung mom ko ayaw, gusto dito sa Philippines. Kasi may conflicts sila, mga love life issue nila," anang "Start-Up PH" actress.
"Ako naman, naipit ako sa situation nila to the point na wala akong pang-tuition fee. Sabi ko 'Paano 'yon?' Sabi ko noong time na 'yon, 'Sige magtatrabaho na lang muna ako, magmo-modeling.' Doon ako kumukuha ng panggastos ko sa modeling, (pang)tuition fee," kuwento ng aktres.
Edad 14 si Yasmien nang sumali siya sa pinakaunang season ng Starstruck noong 2003.
Malaking bagay daw na nakatatanggap siya ng weekly allowance, na ginagastos niya para sa pangangailangan nilang mag-ina.
Sa kabutihang palad, may iniwan ang kaniyang namayapang lolo na tahanan at doon sila tumira ng kaniyang ina.
"Naputulan na kami ng tubig, ng kuryente, 'yon ang struggles ko na naranasan noong first years ko sa Philippines," sabi ni Yasmien.
Bata pa lamang, pangarap na ni Yasmien na maging isang artista nang mahilig siya sa panonood ng mga Pinoy dramas.
Ginagaya niya ang mga linyang napapanood at inaarte niya ito sa salamin.
Bukod dito, napansin din ng Filipino community sa Kuwait na may potensyal si Yasmien na mag-artista.
"Na-realize ko na, ito na 'yung reality, kailangan mo nang i-face ito. Ito na 'yung bago kong buhay dito na sa Philippines, kailangan ko nang mag-survive. Paano ako magsu-survive?'"
"Ginawa ko na rin siya in a positive way. 'Yung nangyari sa akin, kailangang maging positive pa rin ako. 'Bakit hindi ako mag-artista? 'Di ba sabi ng mga Pinoy noon puwede akong maging artista? 'Yun na ang simula noon, nagmo-modelling, baka doon ka puwedeng ma-discover. Tinry ko ang mga options na puwede akong maging artista," ayon kay Yasmien.
Pangarap din ni Yasmien na makapagtapos sa kolehiyo.
'Yun talaga ang promise ko sa sarili ko, na matatapos ako ng college. Happy naman din ako. Wala naman sa pagmamadali 'yan," saad niya.
Dati nang nag-aral si Yasmien ng Foreign Service at Nursing. Noong 2019, nakapagtapos siya bilang magna cum laude sa kursong AB Political Science sa Arellano University.--FRJ, GMA Integrated News