Naglalaro lang sa labas ng bakuran ng kanilang bahay sa Batangas ang isang limang-taong-gulang na lalaki nang bigla na lang tumirik ang kaniyang mga mata at nawalan ng malay. Dahil walang pera ang ina, sa halip na sa ospital ay sa albularyo niya dinala ang anak na wala na umanong pulso at kulay violet na.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," makikita sa video ang pagdala ni Cicille Apaap Culaway, ng Taysan, Batangas, sa walang malay niyang anak na si Jhon Rex, sa albularyong si Kent Reylan Dumaguin.

Maputla na raw ang labi ng kaniyang anak at kulay violet na, sabi ni Cicille. Hindi na rin daw humihinga ang bata, at wala nang pulso.

Agad namang dinasalan ni Kent ang bata, at binuhusan din niya ng tubig ang ulo nito, at pagkatapos ay inihiga niya sa sahig at nag-orasyon.

Sabi ni Kent, malubha na ang sitwasyon ni Jhon Rex at nangingitim na ang mga kuko.

Paniwala ni Kent, may espiritung kumuha sa buhay ng bata. Nag-uuling daw ang mga magulang ni Jhon Rex at may elementong gumanti rito.

Sa naging ritwal ni Kent, dinasal niya si Cicille na nawalan ng malay at inihiga sa sahig, katabi ng anak.

Maya-maya pa, tila may kakaiba nang sumanib ni Cicille at inutusan ni Kent na ibalik ang buhay ng bata.

Tumalima naman ang kung anuman na sumanib kay Cicille at tila hinipan nito ang labi ni Jhon Rex.

Nagpatuloy ang paghimas ng langis kay Jhon Rex, na ibinibad din sa tubig ang paa, at kinalaunan ay binalutan ng kumot.

Hindi nagtagal, gumalaw na si Jhon Rex at muling nagkamalay. Ang bata, wala raw naaalala sa nangyari sa kaniya.

Isa nga bang milagro ang nangyari kay Jhon Rex, at ang orasyon ng albularyong si Kent nga kaya ang "nagbalik" sa kaniyang buhay?

Tunghayan ang buong kuwento at ang paliwanag ng duktor sa naging sitwasyon o kalagayan ni Jhon Rex. Panoorin.--FRJ, GMA Integrated News