Dahil sa kahihiyan na idinulot umano sa kaniyang unit, pinuntahan ni MMDA Task Force Special Operations chief Bong Nebrija sa presinto at pinaulanan ng sermon ang tauhan niyang nahuli na nangongotong umano ng P300 sa driver ng truck sa Quezon City.
Sa video ng GMA News Feed, sinabing inaresto ng mga pulis si MMDA enforcer na si Raul Lapore, dahil sa reklamo ng mga truck driver na dumadaan sa Commonwealth Avenue.
Sinisita umano ni Lapore ang mga driver na wala sa truck lane at hihingan ng "lagay" na P300. Pero itinanggi ng enforcer ang paratang laban sa kaniya.
Napag-alaman na 25 taon na sa serbisyo si Lapore.
Sa kabila ng pagtanggi ni Lapore, nadiin siya sa alegasyon ng pangongotong dahil sa bubble gum na nakadikit sa ginagamit niyang motorsiklo upang matakpan ang body number nito.
Ayon kay Nebrija, modus ng mga kawatan niyang tauhan na takpan ang body number ng motorsiklo para mahirapan ang mga magrereklamo na matukoy kung sino ang nangotong sa kanila.
May record na rin daw si Lapore ng kalokohan kaya inalis ito sa kalsada at inilagay sa opisina.
Magdadalawang-buwan pa lang daw sa unit ni Nebrija si Lapore.
"Hindi kayo agrabyado sa suweldo, hindi kayo agrabyado sa benepisyo, kotong pa kayo nang kotong. Ayaw niyo pang tigilan," harapang sabi ni Nebrija kay Lapore.
"hindi ka ba nahihiya sa ginawa mo?," sabi pa ng opisyal. "Rason ka nang rason na malinis ka, na wala kang ginagawang masama, ano ngayon? Ikaw lang ang dumungis sa unit namin, ikaw lang!"
Sa panayam kay Lapore, sinabi niya na pinababalik lang niya sa truck lane ang sinita niyang driver, na pilit daw siyang inaareglo.
Ngunit hindi maikakaila ang bubble gum na nakadikit pa sa motorsiklo ni Lapore.
"Yung motor mo, nilagyan mo ng bubble gum para hindi makita iyong numero. Hindi ba kawatan 'yan?," sabi ni Nebrija kay Lapore na mahaharap sa reklamong robbery extortion, at posibleng masibak matapos ang 25 taon sa trabaho.--FRJ, GMA Integrated News