Inihayag ni Rica Peralejo na nadiskubre nila ng kaniyang mister na si Joseph Bonifacio na marami pala silang pagkakaiba. Pero sa halip na maging balakid sa kanilang pagsasama, ginawa nila itong daan upang tumibay ang kanilang buhay-mag-asawa. Pero papaano kaya niligawan ng pastor ang aktres? Alamin.
"We're so different. I believe that a lot of couples are, when you marry, mari-realize mo na however similar or however connected you were before getting married, mari-realize mo within the marriage na ang dami pala naming pagkakaiba," paghahayag ni Rica sa "Surprise Guest with Pia Arcangel."
"Sino ba 'tong kausap ko? Parang kahapon kilala ko siya pero ang dami pala naming [pagkakaiba]," dagdag pa niya tungkol sa pagkakakilala niya kay Joseph, na isang pastor.
Naka-relate si Rica sa mga mag-asawa o partner na nagdududa sa kanilang relasyon nang madiskubre ang kanilang mga pagkakakiba.
Ngunit natuto sina Rica at Joseph na ang mga pagkakaiba nila ay paraan lamang para tumibay pa ang kanilang pagsasama.
"Pero kasi nagsimula 'yung realization namin na 'yung pagiging different pala is actually not a bad thing when we were with this certain pastor from our church before, newly-married pa lang kami. Tapos intercultural 'yung marriage nila."
"Magkaibang-magkaiba sila ng pinanggagalingan, Egpytian siya tapos super American 'yung asawa niya. Tapos sabi niya sa amin, 'Different does not mean wrong. In fact different makes you strong.'" Nagtinginan kami ng asawa ko na, 'Okay, hindi pala tayo mali, na different tayo.' In fact 'pag na-tap pala natin 'yung whatever it is that makes us different and we put it together, it makes a whole lot of strength for our relationship," kuwento ng aktres.
Nagkilala sina Rica at Joseph noong bumisita ang aktres sa isang church, at may ministry naman noon si Joseph.
"Magkaugaling-magkaugali kami. Marami kaming commonalities, kaya nga siguro 'yung difference din is a big part of our life as a married couple kasi we started by connecting on so many levels. Pareho kami ng books na gusto, pareho kami ng subjects na gusto sa school, pati picture sa school na kinukuha namin gusto namin, pareho kami," sabi ni Rica.
Pero sa harap ng maraming pagkakatulad, nadiskubre rin umano nina Rica at kaniyang mister na marami silang pagkakaiba nang maging mag-asawa na.
"When you get married you're like, 'Oops okay, parang mas marami palang differences kaysa commonalities,'" dagdag ng actress-TV host.
Ayon kay Rica, hindi sila dumaan sa tradisyunal na pagliligawan nang suyuin na siya ni Joseph.
"We just dated. That's it. But it took us a very, very long time before we hopped on to the whole dating thing. Kasi alam mo na na gusto ka niya, alam ko rin na gusto pero pareho kami na, alam kasi namin na when we get on this thing, it's to be serious," pagbahagi niya.
Kaya nang maging magnobyo, matapos lamang ng 10 buwan ay nag-propose na sa kaniya si Joseph. Wala pang isang taon nang ikasal na sila.
"It was that fast. When you're decided, you're decided," sabi ni Rica.
Inumpisahan ni Rica at ng kaniyang asawa ang kanilang vlog nang ipagdiwang nila ang kanilang ika-11 taong anibersaryo.
"So 11 years kami, sabi ko let's think of 11 words that would, you know... not really define but kind of like describe what we've been through in the last 11 years," sabi ni Rica.
Naging hit ang kanilang vlog at nagustuhan ng mga tao, kaya nagdesisyon silang magsulat ng libro na "Eleven Eleven: Painting the Challenge and Beauty of Marriage" na tungkol sa kanilang mga pinagdaanan bilang mag-asawa.
"Sabi ko uy grabe, gusto pala ng mga tao 'to. So eventually we said na why not turn it into a book? Because you know a vlog is short eh, you kinda have like to shorten your thoughts. So sabi ko i-exhaust natin, ano ba talaga ang ibig sabihin natin sa bawat word na sinabi natin doon? So 'yun 'yung book," dagdag niya.-- FRJ, GMA Integrated News