Ang pelikulang tungkol sa kaluluwa na sumasampa sa balikat ng tao, tila nagkatotoo sa isang grupo ng kabataan na namasyal sa isang resort sa Mindanao. Nang suriin kasi nila ang kanilang mga litrato, nakita nila ang imahe ng tila mahabang buhok na nakasampa sa isa sa kanila.
Sa isang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" na "Gabi Ng Lagim" nitong Linggo, sinabing nagkayayaan ang isang grupo ng mga kabataan na magpunta sa isang beach upang ipagdiwang kaarawan ng isa sa kanila.
Nataon na walang masyadong tao sa beach nang araw na iyon, at wala pa sa kanila ang nakapupunta sa naturang lugar.
"Nag-jo-joke-joke sila na may aswang daw doon, may mga White Lady daw. Tapos nagkakatakutan kami," ayon kay Jonah na kasama sa grupo.
Ngunit hindi nila alam, may kakaibang mangyayari talaga sa kanilang pamamasyal. Nagsimula raw ito nang magpakuha sila ng larawan sa lugar na maraming bato.
Nang sandaling iyon, may kakaiba nang naramdaman sina Jonah at si Kane, na siyang kumuha ng larawan.
"'Yung pakiramdam ko parang may malamig sa likod ko at saka mabigat ang pakiramdam ko. Parang may pumapatong sa likod ko. Feeling ko may nakapasan sa balikat ko," sabi ni Jonah.
Bagaman nakauwi nang maayos ang grupo, makiramdam nila, may sumunod sa kanilang bahay na kakaibang nilalang, lalo na kay Jonah.
"Feeling ko may sumama sa akin galing sa dagat. Mahaba 'yung buhok. 'Yung maitim na creature tapos ano mukha siyang aswang," kuwento ni Jonah.
Ilang araw pa ang lumipas bago nila tiningnan ang kanilang mga larawan. At laking gulat at takot nila nang makita ang isang maitim na imahe na tila may habang buhok na nakapatong sa balikat ni Jonah.
Batay sa mga paniniwala, "agta" ang umano'y nasa larawan. Mga elemento na sinasabing tagapagbantay ng kalikasan.
Matapos ang pangyayari, napansin ni Jonah na may suwerte at kamalasan na nangyari sa kaniya mula nang sampahan siya sa balikat ng agta.
"Simula nu'ng sinampahan ako ng Agta feeling ko sinusuwerte ako kasi noon hindi kasi ako top student tapos ngayon palagi na akong top student kahit hindi naman ako nag study," saad niya.
Gayunman, nasangkot daw siya sa aksidente, naospital ang kaniyang ama, at pumanaw ang kaniyang kaanak.
"Kahit may suwerte pipiliin ko pa rin 'yung mawala 'yung Agta sa buhay ko. Kasi feeling ko may kapalit kung may binibigay siyang suwerte sa akin," ani Johan.
Ang ilang residente na naninirahan malapit sa beach, may naging karanasan din umano sa pinaniwalaang agta.
Upang malaman kung bakit sila ginambala ng agta, humingi ng tulong sa albularyo ang mga kabataan. At dito nalaman na mayroon kinuha mula sa beach ang grupo na maaaring hindi ikinatuwa ng elemento.
"May kinuha akong mga shell or 'yung mga maliliit na corals at dinala ko sa bahay," ani Jonah. "Siguro nang dahil sa mga kinuha ko doon sa dagat may posibilidad na 'yung sumama sa akin."
Ayon sa albularyo, maaaring maingay din ang grupo habang nasa beach na nakagambala sa elemento. Pinayuhan niya ang mga kabataan na ibalik ang kinuha nila sa beach para iwanan na sila ng agta.
"Magpapakita talaga sila kasi may kinuha," saad ng albularyo. "Kung hindi ibabalik ng tao, may masamang mangyayari."
Maibalik kaya ng grupo ang mga bagay na kinuha nila sa beach? At ano kaya ang makikita ng paranormal researcher na si Jay Costura nang puntahan niya ang beach? Panoorin ang buong kuwento sa video.—FRJ, GMA News