Habang "nangingilaw" o nanghuhuli ng isda sa tabing-dagat sa gabi, may naapakan si Melrose Corpuz na isa palang cellphone. Pero magagamit pa kaya ito matapos na nababad sa tubig, at maisauli pa kaya sa may-ari?
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," napag-alaman na tagawalis sa kalye at beach ng Boracay ang nakapulot sa cellphone na si Melrose Corpuz.
Kuwento niya, P375 lang kada araw ang sahod niya at mayroon siyang tatlong anak. Upang makatipid sa ulam, nangingilaw siya o nanghuhuli ng isda o alimango sa tabing-dagat sa gabi.
At isang gabi sa kaniyang pangingilaw, doon niya naapakan ang cellphone na nakababad sa tubig.
Dahil basa, isang linggong ibinabad ni Melrose sa bigas ang cellphone para patuyuin. Nang matuyo, nabuksan niya ito at nakita ang larawan sa wallpaper na isang babae na nakauniporme na tila sundalo.
Kahit maganda ang cellphone, hindi niya ito pinag-interesan. Kaya inutusan niya ang kaniyang pamangkin na i-post sa social media ang larawan sa wallpaper upang matukoy kung sino ang may-ari ng cellphone.
Kaagad naman nakipag-ugnayan sa kanila si Nona Marinela Guiam, na nagpakilalang siya ang may-ari ng cellphone.
Pero nagduda si Melrose dahil iba ang hitsura ni Nona sa larawan na nasa wallpaper.
Samantala, nagkaroon din ng pagdududa si Nona dahil hinihingi nina Melrose ang PIN ng cellphone para mabuksan.
Paliwanag naman ni Melrose, nais nilang makatiyak kung si Nona talaga ang may-ari ng cellphone. Kaya naman kung talaga interesado raw ang may-ari ng cellphone, mabuti pang bumalik na lang ito sa Boracay.
Maisauli pa kaya ang cellphone at bakit kaya may pulis na biglang lumapit kay Melrose habang nagsu-shoot ng "KMJS?" Panoorin ang buong kuwento sa video.--FRJ, GMA News