Inumaga na sa himpapawid ang isang eroplano sa Mississippi, USA matapos itong nakawin at paliparin ng isang lalaki. Ang suspek, nagbantang ibabangga ang sasakyan sa isang malaking grocery store.
Sa video ng GMA News Feed, kinilala ang suspek na si Cory Wayne Patterson, empleyado ng Tupelo Aviation, kung saan niya kinuha ang Beechraft King Air C90.
Ayon sa mga awtoridad, nakatanggap sila ng tawag mula kay Patterson at nagbantang ibabangga o ika-crash ang eroplano sa isang malaking grocery store.
Kaya naman pinaalis nila ang lahat ng tao sa naturang grocery store at kalapit na gasolinahan.
Madilim pa nang magsimulang paliparin ni Petterson ang eroplano at inabot na siya nang liwanag sa ere.
Ayon sa pulisya, nakumbinsi nila ang suspek na huwag nang ituloy ang masamang balak. Pero napag-alaman na hindi pala marunong at hindi pa nakakapag-landing ng eroplano si Patterson.
Sa inilabas na flight radar tracking route ng eroplano, makikita na wala itong direksyon habang lumilipad.
Hindi naniniwala ang mga awtoridad na lisensiyadong piloto si Patterson.
Napag-alaman na lineman umano ang trabaho niya sa kompanya, o tagalagay ng fuel sa eroplano.
Nang gabing tangayin ang erplano, sinabi ng mga awtoridad na puno o
fully fueled ang sasakyan.
Nagawa namang mailapag ng suspek ang eroplano sa tulong ng isang private pilot na nagturo sa suspek kung ano ang gagawin.
Nakpag-landing si Patterson sa bukid at doon na rin siya inaresto. Hindi pa inilalabas ng pulisya kung motibo ni Patterson sa kaniyang ginawa.--FRJ, GMA News