Laking gulat ng sepulturero sa isang sementeryo sa Pulupandan, Negros Occidental nang makarinig ng iyak sa loob ng nitso kung saan inilagay ang isang bagong silang na sanggol ilang oras pa lang ang nakararaan matapos sabihin ng mga magulang na patay na ito.
Sa ulat ni Aileen Pedreso ng GMA Regional TV News nitong Huwebes, sinabing lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na ang sanggol ay anak ng 22-anyos na si Cristel Haro at 23-anyos na live-in partner niya na si Julius Ceasar Valdevieso.
Dakong 6:45 a.m. noong Linggo nang manganak si Cristel sa kanilang bahay sa Barangay Patic. Pero Makalipas umano ng isang oras, napansin umano nila ng kaniyang kinakasama na hindi na humihinga ang sanggol.
Dahil inakala raw nilang patay na ang sanggol, isinilid nila ito sa plastic, nilagay sa kahon at dinala sa public cemetery ng bayan.
Dahil wala silang hawak na dokumento at death certificate, ang dalawa na rin daw ang gumawa ng paraan para ilibing ang sanggol na plano lang noong una na ibaon sa lupa.
Pero nakita sila ng isang sepulturero na nag-alok na sa bakanteng nitso na lang ilagay ang sanggol.
Ayon kay Police Captain Ryan Villasario, hepe ng Pulupandan MPS, nakumbinsi ng dalawa ang sepulturero na fetus lang kanilang ililibing.
Pero makalipas ang tatlong oras, nakarinig ng iyak ang sepulturero mula sa nitso kung saan inilagay ang sanggol.
Nadiskubre ng sepulturero na buhay pala ang sanggol at kaagad niyang dinala sa pagamutan.
Sinabi ng doktor na sumuri sa sanggol na kumpleto ang katawan ang sanggol na lalaki.
"May signs of life, may movement, may respiration. Ang color sa bata, cyanotic siya, bluish to almost black," sabi ni Dr. Joshua Vargas, Attending Physician, Pulupandan Health Center.
Ayon pa sa doktor, mababa ang sugar level, heart rate at oxygen sa katawan ng sanggol kaya nanghina ito at dinala sa ospital.
Gayunman, pumanaw ang sanggol noong Lunes ng 1 a.m.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya na posibleng itinago ng dalawa ang pagbubuntis ng babae, at mayroon din silang 10 buwang gulang na anak.
Patuloy ang imbestigasyon sa pulisya kung saan posibleng makasuhan ng infanticide ang mag-live in partner kung mapatutunayan na sinadya nilang ilibing ang kanilang sanggol nang buhay.
Nagtungo ang GMA Regional TV sa bahay ng mag-live in partner, pero tumanggi silang magbigay ng pahayag. — Jamil Santos/FRJ, GMA News