Dahil sa kuwela niyang food reviews, kinagiliwan ang isang dalaga na tinaguriang "Pambansang Yobab" ng Tiktok. Dedma rin siya sa mga nanlalait sa plus-size niyang pangangatawan.
Sa programang "Good News," good vibes ang hatid ni Euleen Castro, na aminadong bata pa lang ay mahilig na sa pagkain.
"Sino ba ang may ayaw sa pagkain?," natatawa niyang sabi. "Bata pa po ako noon, gustong-gusto ko nang kumain. Kahit 'yung parents ko, sabi nila, bigyan lang daw ako ng dede or pagkain sa gilid, tatahimik na ako. So baka pinanganak ako para sa pagkain."
At dahil sa hilig kumain ni Euleen, naging "Plus-size Queen" siya. Sa kanilang pamilya, si Euleen lang may malaking pangangatawan.
Pero sa halip na magpaapekto sa mga nanlalait, buong puso niyang niyakap ang kaniyang sarili.
"Sa ngayon, yes, happy naman ako [sa katawan ko]. Kasi ngayon, sobrang love ko 'yung self ko eh. Sobrang tanggap na tanggap ko siya," anang dalaga.
Nagsimula si Euleen na mga food trip ang kaniyang content sa Tiktok, pero sumikat siya dahil sa mga malalaman niyang food reviews
Gayunman, inamin ni Euleen na nakaranas din siya ng mga pangungutya noong pumapasok sa eskuwela.
"Lahat ng masasakit na salita narinig ko na. 'Wala ka nang pag-asa,' 'Mukha kang monster' 'Pangit ka' 'Ang taba-taba mo' 'Walang magkakagusto sa'yo.' Noong nangyari 'yon, tinanong ako ni mama, 'Bakit ba ayaw mo nang pumapasok?' Hindi ko kasi sinasabi sa kaniya. Nag-breakdown na ako noon, sabi ko 'Hindi mo kasi alam 'yung nangyayari sa akin,'" emosyonal na kuwento ni Euleen.
Nilagpasan ni Euleen ang mapait na yugto ng panlalait sa kaniya at natuto siyang mahalin ang sarili.
"Mas tatanggapin ko 'yung sarili ko. Kasi ako rin naman ang may gusto nito eh. Ako 'yung gustong kumain nang madami, katawan ko ito eh, gusto ko ito. Wala naman silang kasalanan doon. Ang kasalanan lang nila is binu-bully nila ako. Feeling ko kahit sino, wala nang puwedeng makapagpabagsak sa akin, na comments, na bash, kahit ano."
Sa kabila ng malaki niyang pangangatawan, maayos ang kalusugan ni Euleen at wala siyang iniindang sakit. Umiinom lamang siya ng maintenance sa kaniyang cholesterol.
Kilalanin pa lalo ang "Pambansang Yobab" ng Tiktok sa video na ito ng "Good News."—FRJ, GMA News