Naging matagumpay ang unang sabak sa pulitika ni Angelu De Leon matapos manalong konsehal sa Pasig nitong nakaraang eleksyon. Hudyat na ba ito na iiwan na niya ang showbiz?
Sa episode ng “Surprise Guest with Pia Arcangel,” ibinahagi ni Angelu ang karanasan niya sa pangangampanya bilang isang kandidato, hindi tulad noon na bilang entertainer.
"Yung election period nakakatuwa kasi iba yung... dumating kasi ako sa punto na ako yung nag-e-entertain ng crowd, hindi ako ang pulitiko kundi ako yung entertainer sa mga kampanya," paliwanag niya.
"And then iba yung perception ko nung mga panahong 'yon. Talagang kapag naririning ko, nakikita ko yung mga pulitiko, pulitiko talaga sila. Parang may stand sa pulitiko, may certain energy ng pulitiko. Nung si Mayor Vico Sotto yung nakasama ko sa kampanya, nagulat ako, kasi dito sa Pasig talaga, rockstar siya," patuloy niya.
Napakamakumbaba umano ni Mayor Vico sa mga tao at sobra niyang na-enjoy ang kampanya at pagpunta sa mga bahay-bahay upang makilala ang mga tao.
"But I'll be honest, ang pinaka-hindi ko favorite part kung sasabihin natin yung caucus, yung mga magsasalita ka. 'Yun medyo biglang alam mo na parang ano pulitiko ka na," sabi pa ni Angelu.
Suportado rin daw ng buo niyang pamilya ang pagtakbo niya sa pulitika.
"When I was looking and asking for directions, isa yun sa sinabi ko, kapag hindi on board ang kahit isa sa pamilya ko, I would not go through it," aniya.
"Mahirap yung may isang mayroon kang isang mahal sa buhay na hindi 'yon yung gusto para sa'yo. Kasi sabi ko nga ang hirap, lalong-lalo na sa asawa ko, sabi ko kung hindi siya on board sa pagiging pagpasok ko sa pulitika, hindi na lang din ako papasok," sabi pa ni Angelu.
Ngayon nasa pulitika na, tinanong si Angelu kung magiging aktibo pa ba siya sa showbiz o hindi.
"Kasi ngayon ano pa rin diba, when we think about it, yung mga tapings pa rin ng soap opera is always lock in, and I cannot afford to be lock in as of the moment," ayon sa aktres.
"Pero ang mga biro ko nga is okay lang ako mag-game show para may extra income," natatawa pa niyang pahayag.
"Yung ganun, mga game show, mga Eat Bulaga, mga ganun, 'yun puwede. Pero yung sabihin natin magbabalik soap opera medyo siguro hindi pa muna," paliwanag niya.
Sinabi pa ni Angelu na binibigyan niya pagpapahalaga ang tiwala na ibinigay sa kaniya ng mga Pasigeños na naghalal sa kaniya bilang konsehal. --FRJ, GMA News