May mga hindi inaasahang pagkakataon na may mali sa pangalan ng bata na nailalagay sa birth certificate. Ang resulta, nagkakaroon ng problema kung iba ang nakalagay sa iba pang dokumento na gamit ng bata. Alamin kung ano ang dapat gawin para maitama ang pagkakamaling naisulat sa birth certificate?
Sa kuwentong "Dapat Alam Mo!" ni Vonne Aquino, sinabing naging problema ng 33-anyos na si Marjorie Dizon ang maling pangalan niya sa birth certificate.
Apat na beses silang nakakuha sa Philippine Statistics Authority ng certificate na ang nakalagay na pangalan niya "Marjorie Gilot," sa halip na Marjorie Dizon.
Nang mag-renew siya ng passport noong 2020, nagulat siya nang hindi tanggapin ng Department of Foreign Affairs ang kaniyang papel.
Nang konsultahin ang PSA, nalaman din na nakarehistro din ang pangalan niya na "Jojie Dizon." Doon na natuklasan na double registration o dalawang beses nairehistro sa civil registrar ang birth certificate ni Marjorie.
Dahil dito, kailangan niyang ayusin ang kaniyang unang certificate.
Ayon sa PSA, isa ang double registration sa mga nagiging problema sa pagpaparehistro ng birth certificate.
Ipinaliwanag ni Marizza Grande, OIC ng Assistant National Statistician ng PSA, na ang panuntunan sa birth certificate ay dapat gamitin kung ano ang unang pangalan na nairehistro.
Kung nagkaroon ng clerical error, tulad ng pagpapalit, nadoble o na-misspell na pangalan, aabot ito sa P1,000 na processing fee ng pagtatama.
Pero kung pagpapalit naman ng pangalan, aabot ito ng P3,000 na processing fee.
Nitong Hulyo, sinimulan na ng PSA ang pilot testing sa kanilang e-verification app kung saan mas madaling ma-verify at ma-validate ang nilalaman ng mga dokumento.-- FRJ, GMA News