Naitala na ang unang kaso ng monkeypox sa Pilipinas, ayon sa isang opisyal ng Department of Health (DOH) nitong Biyernes.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Health Undersecretary Dr. Beverly Ho, na ang unang kaso ay isang 31-anyos na pasyente.
Tumanggi na siyang magbigay ng iba pang detalye tungkol sa pasyente, maging ang kasarian nito.
Ayon kay Ho, dumating sa bansa ang pasyente mula sa ibang bansa noong July 19. Dati na rin umano nakabiyahe ang pasyente sa mga bansang may kaso ng monkeypox.
Nasuri siya sa monkeypox nito lang Huwebes, July 28.
"The case has been discharged well and is undergoing strict isolation and monitoring at home," ani Ho. Mayroon umanong 10 close contact ang pasyente.
Tatlo sa 10 close contacts ay kasama ng pasyente sa bahay. Wala pa namang sintomas ng sakit na ipinapakita ang mga close contact na naka-quarantine, sabi pa ng opisyal.
"The DOH assures everyone that our public surveillance systems are able to detect and confirm monkeypox cases," dagdag nito.
Pinayuhan ni Ho ang mga bumiyahe sa mga bansang may kaso ng monkeypox na magpatingin sa duktor kung may nararamdamang sintomas ng sakit.
Kabilang sa sintomas ng monkeypox ang lagnat, sakit ng ulo at katawan, rashes, at pamamaga ng kulane, ayon sa Agence France-Presse explainer.
Nauna nang idineklara ng World Health Organization (WHO) na isang global health emergency ang monkeypox. Mayroon nang mahigit 16,000 kaso nito sa 72 bansa.
Lumilitaw din sa pag-aaral na 99 percent ng mga tinamaan ng naturang virus ay mga lalaki na nakikipagtalik sa kapuwa lalaki.
Kaya nagpayo ang WHO sa mga gay at bisexual men na limitahan ang kanilang sexual partner habang hindi pa nakokontrol ang virus.—FRJ, GMA News