Laking pagtataka ng isang babae nang bigla siyang magkaroon ng mga pantal sa katawan at mangati matapos kumain ng manok na dati na naman niyang kinakain. Puwede nga bang maging allergic ang tao sa isang pagkain na dati niya nang kinakain mula pa sa pagkabata?
Sa programang "Pinoy MD," ikinuwento ni Jobelle Salita na mula pagkabata ay kumakain na siya ng sinampalukan manok.
Pero isang araw, bigla siyang nagkaroon ng mga pantal sa katawan pagkatapos na muli siyang kumain ng sinampalukang manok.
Kaya naman kaagad siyang uminom ng gamot. Pero pagkaraan ng ilang buwan, muling naulit ang insidente kaya kumonsulta na siya sa doktor.
Doon na niya nakumpirma na may allergic reaction siya sa manok at seafood, o malalansang pagkain.
Paliwanag ng allergist na si Dra. Roxanne Casis-Hao, wala sa edad ang pagkakaroon ng allergy. Gayunman, pambihira umano ang kaso na nagiging allergic ang isang tao sa pagkain na dati na niyang kinakain, at kung kailan pa siya nagkaedad.
Ayon sa Pinoy MD, ang pagkakaroon ng pantal sa katawan ay reaksyon ng katawan ng tao sa mga allergen--na maaaring sa pagkain, gamot o nalalanghap mula sa paligid.
Lumalabas umano ang kemikal na "histamin" na nagbibigay ng senyales sa katawan na magpantal at mangati. Gagawa rin ng antibodies ang katawan kapag may naramdaman itong allergens at muli itong magre-react.
Ayon sa pag-aaral ng isang ng isang non-profit organization sa Amerika na Food Allergy and Reserch Education, mayroon daw 170 na pagkain na nakakapagdulot ng allergic reaction.
Walo sa mga ito ang itinuturing major food allergens na kinabibilangan ng gatas, itlog, mani, isda, shellfish, tree nuts, wheat, at soybeans.
Kung si Jobelle ay sa pagkain may allergy, si Rochelle, nasa paligid-ligid niya ang nagdudulot sa kaniya ng allergic reaction.
Ang dulot nito, hindi lang pantal at kati sa katawan kung hindi maging sipon, pagluluha at kung minsan ay pagdurugo ng ilong.
Alamin sa video na ito ang mga posibleng pagmulan ng allergic reaction na maaaring nasa loob o labas ng inyong tahanan.
Alamin din kung papaano ginagawa ang skin test upang malaman kung saan kaya may allergic reaction at ano ang mga dapat gawin. Panoorin ang video ng "Pinoy MD." --FRJ, GMA News