Nakiusap si Allan K. sa publiko na huwag i-prank ang mga delivery rider na nagsusumikap na maghanap-buhay para sa kanilang mga pamilya.

Sa Bawal Judgmental segment ng "Eat Bulaga," ikinuwento ng panauhin na si Rhic, isang delivery rider, na nagsisimula siyang magtrabaho ng alas-diyes ng umaga, at inaabot ng madaling araw kung minsan.

Gamit ang kaniyang motorsiklo, ang pinakamalayo raw niyang nai-deliver ay nasa 12 kilometro ang layo.

"Minsan talo po kasi kapag sobrang layo, traffic po," sabi ni Rhic, na umaabot ng 25 hanggang 26 na delivery sa isang araw.

"Sobra [nakakapagod]. Kasi kailangan ko po talagang kumayod kasi nakaasa po 'yung pamilya ko sa akin. 'Yung lolo ko po kasi maysakit, may stage 4 cancer," anang delivery rider.

Bukod dito, meron na siyang anak,pero hiwalay sila ng kaniyang asawa.

Inilahad ni Rhic na madalas siyang mabiktima ng fake booking. Umabot umano ng P2,800 ang pinakamalaki niyang inabonohan.

Dahil dito, nanawagan si Allan K sa mga nampa-prank sa mga delivery rider na itigil na ang kanilang ginagawa.

"Sana po, mga Dabarkads, huwag tayong mag-fake book, huwag tayong magloko kasi ang mga taong ito, narinig niyo naman si Rhic siguro, kung para saan ang paghihirap niya," anang Dabarkads.

"Hindi magandang gawain 'yan kung nagloloko lang kayo. Sa bahay niyo na lang kayo maglokohan. Puwede niyong i-prank ang kasama niyo. Pero itong mga ito... kasi hindi biro itong ginagawa ng mga ito eh. Nauulanan, naiinitan. Tsaka hindi niyo po alam, 'yung mga purpose ng kanilang paghihirap tapos gaganyanin niyo," dagdag pa ni Allan.

"'Yung kikitain nila sa araw na iyon, iaabono pa nila," sabi ni Allan.

Tunghayan ang panayam ng Dabarkads kay Rhic sa Bawal Judgemental segment ng Eat Bulaga. --FRJ, GMA News