Dalawang katao ang nasawi sa Ghana dahil sa "highly infectious" na Marburg virus, na muli na namang kumakalat sa West Africa. Ang Marburg virus ay nagmula sa isang uri ng paniki.
Sa ulat ng GMA News Feed, sinabi ng World Health Organization (WHO) na nakaranas ng labis na pagdudumi, lagnat at pagsusuka ang dalawang pasyente bago sila pumanaw sa ospital.
Lumabas sa pagsusuri ng mga doktor na tinamaan ang mga pasyente ng Marburg virus, na galing sa parehong pamilya ng virus na nagdudulot ng Ebola.
Nagpositibo ang mga pasyente sa Marburg virus noon pang Hulyo 10, ngunit kailangan pa itong ipakumpirma sa isang laboratoryo sa Senegal.
Siniguro naman ng Ghana Health Service ang agaran nilang pagkilos para hindi na kumalat ang virus.
Na-isolate umano ang nasa 98 close contacts ng dalawang pasyente, at wala ni isa sa kanila ang nagpapakita ng sintomas sa ngayon.
Nangyari sa southern at eastern Africa ang karamihan sa Marburg outbreak nitong mga nakaraang taon.
Ang kaso ng dalawang pasyente ang kauna-unahang Marburg outbreak sa Ghana.
Naitala noong nakaraang taon sa Guinea ang unang kaso ng naturang virus sa West Africa, pero walang ibang nai-record na nahawa nito.
Taong 2005 naman, nang 329 ang naitalang patay sa Marburg virus outbreak sa Angola.
Sinabi ng WHO na nasa 24-88% ang fatality rate o porsyento ng mga namamatay sa mga pasyenteng tinamaan ng Marburg virus.
Galing ang Marburg virus sa fruit bats at naipapasa ng mga tao sa iba sa pamamagitan ng direct contact sa bodily fluids o mga bagay na nahawakan ng mga taong positibo sa sakit.--FRJ, GMA News