Aksidenteng nahukay ng mga magsasaka ang mga lumang gamit sa isang bayan sa Palawan. Paniwala nila, antigo ang mga ito at mahal kaya tinanggihan nila ang alok na bilhin ang mga ito sa halagang P150,000.00.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento nina Earl at Nico, hindi nila tunay na mga pangalan, na habang naglalakad sila noong June 2021, ay may nakita silang bagay na bahagyang nakausli sa lupa.
Dahil sa sagabal sa daan ang naturang bagay, hinukay nila ito para alisin. Doon na nila nakita na ang bagay na sagabal sa daan ay isang malaking plato na hugis araw, o tila tray na gawa sa tanso.
Sa patuloy nilang paghuhukay, nakakuha pa sila ng ceramic na pitong mangkok o tasa, dalawang platito, 10 plato, at ilang itak na kinakalawang na.
Si Mang Fabio, 'di niya rin tunay na pangalan, umaasang maibebenta nila ang mga nahukay na gamit na pinaniniwalaan nilang mga antigo.
Magiging malaking tulong daw sa kanila ang halagang mapagbebentahan ng mga ito. Mayroon na raw nag-alok na bibilhin ang mga gamit sa halagang P150,000 pero hindi sila pumayag.
Ang nais nilang halaga para sa naturang mga gamit, P500,000 na paghahatian ng limang tao o tig- P100,000.
Antigo nga kaya ang mga nahukay nilang gamit na may mahal na halaga? Maaari ba nilang ibenta ang mga ito o dapat nilang ibigay sa National Museum?
Alamin ang pahayag ng mga eksperto sa video na ito ng "KMJS." Panoorin. --FRJ/RSJ, GMA News