Hindi maiwasan ng isang babae na makaramdam ng takot dahil sa paniwalang humihiwalay ang kaniyang kaluluwa sa kaniyang katawan o astral projection, kapag natutulog at may nakakasalamuhang ibang nilalang. Totoo kaya ang kaniyang hinala o masyado lang mahimbing ang kaniyang tulog?

Sa "Dapat Alam Mo!" ikinuwento ni "Hannah," hindi niya tunay na pangalan, sinabi niya na may mga nilalang siyang nakikita sa kaniyang pagtulog. Mayroon pa raw nag-aya sa kaniya na pumunta sa ibang lugar.

"Bigla po kaming lumabas sa malaking puno, tapos may kasama akong dalawa noon. Ang sabi po, 'Uuwi na tayo.' Sabi ko 'Hindi po diyan ang bahay namin,'" sabi ni Hannah.

"Hawak lang po nila ako. Tapos alam niyo po 'yung parang sinasabi nila na sila 'yung pamilya ko," dagdag ni Hannah.

Hawak ang kaniyang rosaryo, nagdasal daw nang taimtim si Hannah na ibalik sa kaniyang katawan at nagpumiglas sa humahawak sa kaniya.

Pagkagising niya, nangangatog siya sa takot at iyak nang iyak.

"Nakaka-trauma po eh. Baka po kasi hindi na ako makabalik sa katawan ko, or may mangyari na po sa aking masama. Dasal lang po talaga, iniisip ko na hindi na mauulit 'yon," anang dalaga.

Paniwala ng kaniyang pamilya, astral projection ang naranasan ni Hannah, o ang paghihiwalay ng kaluluwa sa pisikal na katawan ng tao habang natutulog.

Nang suriin ng paranormal researcher na si Ed Caluag ang kuwarto ni Hannah, napansin niyang mali ang posisyon ang salamin na nakaharap sa pinto.

"'Pag itong salamin ay nag-open tapos ang tao nananaginip, may possibilities na ipasok dito (salamin), hatakin, which is 'yun ang nangyayari sa kaniya. Once na nag-astral ka ay hindi ka rito sa bahay mo mag-stay, makakalabas ka agad kasi nga meron kayong daanan dito," paliwanag ni Ed.

Ayon pa kay Ed, may mga antas ang astral projection, mula mababaw na babangon lang ang kaluluwa at makikita ang sarili na nakahiga, at pangalawa ay nakakapaglakbay na ang kaluluwa.

"Once na nasa astral plane ka, lahat ng nandoon ay hindi tao," babala ni Ed. "'Yung babaeng nakita mo ay hindi tao, puwede siyang elemento, puwede siyang kaluluwa. Elemento siya kasi tini-trick ka niya na 'Uuwi na tayo' meaning isasama ka niya sa kanila," sabi ni Ed.

Nagsagawa ng ritwal si Ed para maalis ang elementong gumagamit sa katawan ni Hannah.

Ayon naman sa psychologist at dream analyst na si Dr. Randy Dellosa, nasa malalim na level noon ng pagtulog noon si Hannah kung saan paralisado ang katawan at hindi makagalaw.

"Posible na nag-mix 'yung paggising niya at pagtulog. Nag-mix din 'yung paglabas ng astral body niya o kaluluwa tapos pabalik-balik din siya sa panaginip," sabi ni Dr. Dellosa. --FRJ, GMA News