Pagdating sa talento, hindi pahuhuli ang mga little person, lalo na sa larangan ng pagkanta. Tulad ng isang "small but terri-voice" performer na laging inaabangan ang pagbirit sa isang bar sa Dubai.
Sa "Dapat Alam Mo!", sinabing tampok sa naturang bar ang mga makukulay na disco lights at on the beat na party music.
Kabilang sa pinupuntahan sa bar ang mga little person performers. At isa sa mga inaabangan nilang magtanghal ay si Lindon Cristobal, o mas kilala bilang si Kendra Diva.
Natuto raw si Kendra ng pagkanta sa kaniyang mga magulang.
Apat na taon na siyang nagtatrabaho sa Dubai bilang singer.
"Aksidente lang itong pagdu-Dubai ko kasi dahil ito sa may napanood na video ko 'yung may-ari, tapos pinahanap niya ako sa Pinas, diretso na ako dito sa Dubai," kuwento ni Kendra.
Ayon kay Kendra, may pinapasukan siya noon para sa mga little people sa Pampanga. Nang panahon na iyon, wala siyang passport. Pero inasikaso raw ito ng kaniyang amo para makalipad siya sa Dubai.
"Both sides ng parents ko musically-inclined sila. May mga pinsan din akong kumakanta. Mga kapatid ko, lahat kami kumakanta. Kumakanta rin ako minsan sa mga event, minsan kapag may kasal, birthday, burol. Kumakanta ako sa burol dati," kuwento ni Kendra.
Bago sumalang sa spotlight, pinaghahandaan din ni Kendra maging ang kaniyang mga gown.
Sa likod nito, gusto ni Kendra na makatulong sa kaniyang mga magulang, lalo na't may kapansanan ang kaniyang ama.
"[Para] makatulong ako sa parents ko. Kasi matanda na rin sila eh. Tatay ko maysakit siya, hindi na siya nakakalakad, na-paralized 'yung buong katawan niya, naaksidente kasi siya," ani Kendra, na ubong Nueva Ecija ang pamilya.
"Dapat alam mo na hindi hadlang ang pisikal na kaanyuan, kung talagang gugustuhin mong matupad ang lahat ng hangarin mo sa buhay," sabi ni Kendra. -- FRJ, GMA News