Sinabi ng beteranang aktres na si Gina Pareño na bahagi siya ng LGBTQ community.
Inihayag ito ng 75-anyos na aktres nang mapag-usapan ang kaniyang buhay at trabaho sa vlog ni Ogie Diaz nitong Lunes.
Binalikan ni Ogie ang urn o lalagyan ng abo ng yumao na madalas dala ng aktres.
Napag-alaman na ang nakalagay sa urn ay ang abo ng yumaong si “Doktora Bong” o Nenita Vidal, isang actress noong 1950s.
Tinanong ni Ogie si Gina kung bakit lagi niyang dala ang urn.
“Hindi naman sa ayaw kong i-let go kaya lang ang dami kong utang na loob do’n atsaka mabait sa akin, tinuturuan ako, ine-educate ako,” kuwento ng aktres.
“Tinuruan niya ako kung paano kumilos, lahat. Tapos iyon nga, binigay niya sa akin iyong naiwan niyang bahay. Alam kong mahal na mahal ako no’n,” emosyonal na patuloy niya.
Dito na tinanong ni Ogie si Gina kung bahagi ba siya ng LGBTQ community.
Mabilis na tugon ng aktres: “Oo! Bakit? Problema? At saka nagmamahal ako nang tapat.”
Ayon kay Gina, itinuturing niyang lucky charm si "Doktora Bong."
“Buhayin siya ngayon? Ibabalik ko lahat iyong naiwan niya. Iyong binigay niyang bahay, kaniya,” ani Gina.
Kuntento na raw si Gina sa buhay niya ngayon kasama ang kaniyang mga anak na si Michael at Racquel, na nag-aalaga sa kaniya sa bahay.
Kasabay nito, inihayag din ni Gina ang hangarin niyang patuloy na umarte at magtrabaho. Ang pag-ti-Tiktok umano ang isang paraan para patuloy siyang umarte. –FRJ, GMA News