Kinilabutan at naging usap-usapan ng mga magkakapitbahay sa isang barangay sa Lucena City, Quezon, ang nahuli-cam na umano'y maliliit na imahe na pinaniniwalaang mga duwende sa kisame ng isang bahay.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing minana nina Chenny Cunanan mula sa kanilang namayapang ama ang kanilang bahay.
Itinuturing nila na suwerte sa kanila ang kanilang bahay, na ayon mismo sa kanilang ama noong nabubuhay pa ay mayroon umanong namamahay na mga duwende.
Hanggang sa isang hapon noong June 12, may nadinig na ingay sa bubungan sa bahagi ng kisame sa kusina ang mga pamangkin ni Chenny.
Hahampasin daw sana nila ng tsineles ang pinagmumulan ng ingay sa kisame nang bigla raw gumalaw ang maliliit na tila tao na kanilang nakita.
Dito na nila sinimulang i-video ang pambihirang pangyayari. Maging ang mga kapitbahay nina Chenny, nangilabot nang mapanood ang video dahil tila nakikipag-usap pa sa kanila ang mga ito.
At ang takot nila, nawawala dahil sa paniwalang nagbibigay ng suwerte ang mga duwende kaya sila man ay humihiling na rin na sa mga maliliit na nilalang.
Ngunit nang mapanood ng video expert at director na si Edward Mark Meiley, ang naturang video, nagkaroon siya ng pagdududa kung duwende nga ang nasa video.
Gayunman, naniniwala siyang tunay at hindi edited ang video. Ano nga ba ang nakuhanan ng video nang puntahan ni direk Meiley ang bahay? Alamin ang kasagutan sa video ng "KMJS." — FRJ, GMA News