LILY Music na ang pangalan ng Facebook page ng Callalily. Sa harap ito ng mga balitang "kumalas" mula sa grupo ang bokalista nilang si Kean Cipriano.
Bukod sa pagpapalit ng pangalan, naging puti na lang ang background ng kanilang profile at cover photo.
Kapansin-pansin din sa huling post sa page na makikita ang apat na silhouette image ng tao, na may caption na: "Pag kumanta ba kami ng "Magbalik" babalik ka?—feeling emotional.
Lima ang miyembro ng Callalily, kabilang si Kean, na 17 taon na naging bokalista ng banda.
Sa Messenger, sinabi ng LILY Music sa GMA News Online na maglalabas sila ng kanilang opisyal na pahayag.
"We just have to consult with our lawyers," anang grupo.
Sa panayam ng GMA News Online, nilinaw ni Chynna Ortaleza, asawa ni Kean at vice president ng O/C Records, hindi "umalis" ng banda ang kaniyang asawa.
Tinawag niya ang pangyayari na 'disengage" mula sa banda.
“He did decide to leave the set-up of being in a band. However, Callalily kasi was always under his intellectual property. The brand stays with him,” paliwanag ni Chynna.
Patuloy ng aktres, “If I look kasi into how it’s being phrased at the moment, siyempre it’s easy to say na, ‘oh, he left Callalily.’ But he just left the format of the band. He did disengage with his former bandmates but the name Callalily stays with Kean Cipriano.”
Sinabi pa ni Chynna na gusto ni Kean na ipalisensiya ang pangalan sa mga dating kabanda, “but I don’t think they understood what that meant. And it’s being loosely thrown in social media na he stole [the name]."
“Sabi ko nga, we know the truth naman and if they cannot understand what happened, I guess that’s just how the story is. And they have more years ahead of them to learn about the rights and the business of music,” patuloy ni Chynna.
Sinabi rin niya na ninais ni Kean na ayusin ang lahat at makausap ang mga dating kabanda.
"We really wanted to fix things legally with them, like a proper label release was something that I was thinking of doing with them," aniya. "It was more of a decision of progressive growth for each member than a solo decision na ‘I want out.’ Hindi siya ganun.”
Bagaman naiisip na raw noon ni Kean na kumalas at mag-solo, sinabi ni Chynna na hindi iyon kaagad ginawa ng kaniyang mister hanggang sa maramdaman na ang tamang oras.
“It’s just very unfortunate that his bandmates didn’t want to talk to us anymore despite the continued efforts of trying to get in touch with them because we want to fix things," paliwanag niya.
Nang tanungin kung maayos pa ang relasyon ni Kean sa mga dating kabanda, pag-amin ni Chynna, “no, they’re not. Kasi parang Kean was really trying his best to reach out but he just kept on getting no replies eh. They didn’t want to talk to him."
“But I guess that’s just how their response is and we really can’t do anything about it. Kean naman is very open-minded and you can’t force a certain kind of reaction sa mga taong hindi ready or hindi nakikita yung paths [for growth],” dagdag niya.
Kabilang ang Callalily sa mga sikat na OPM bands na nagsimula noong 2005. Kabilang sa kanilang awitin ang “Stars,” “Magbalik,” at “Pansamantala.”
Ang pinakabago nilang single na “Bahala Na,” featuring This Band ay inilabas noong 2021 sa ilalim ng O/C Records.— FRJ, GMA News